Ibang ‘putahe’ susubukan ni Ranidel

Pagkatapos ng 15 seasons, nagdesisyon na si Ranidel De Ocampo na tapusin ang PBA career.

Hindi na hinintay ni RDO na matapos ang enhanced community quarantine dahil sa coronavirus disease 2019 at muling tumakbo ang Philippine Cup para ihayag ang retirement.

Binasag ng 38-anyos na stretch-4 ang balita sa 2OT podcast nina Carlo Pamintuan at Magoo Marjon.

“Paalam na sa basketball. Naging buhay ko na ang basketball simula ‘nung 14 years old ako,” anang 6-foot-6 forward na produkto ng St. Francis of Assisi College. “Pasalamat ako kay Lord na binigyan n’ya ako ng career.”

Tapos na siya sa court, hindi isinasara ni RDO ang pinto sa ibang larangan naman.

Fourth pick ng FedEx Express noong 2004, napunta siya sa Talk ‘N Text ng 2008 bago pinamigay sa Meralco noong 2017.

Kampeon agad siya paglipat sa TNT noong 2008 Philippine Cup.

Lahat ng anim na championship rings niya, nakuha sa Tropang Texters huli noong 2015 Governors Cup nang itanghal siyang Finals MVP – pangalawa niyang award pagkatapos ng 2013 Philippine Cup.

Siya rin ang 2014 Governors Cup Best Player of the Conference.

Mula nang mapadpad sa Bolts, binagabag na ng injury si RDO.

Inabot siya ng torn calf muscle bago nagsimula ang 2018 Phil. Cup at hindi nakapaglaro sa torneo. Noong isang taon, back issues naman ang nagpagarahe sa kanya.

“Nagpapasalamat ako sa lahat,” dagdag ni RDO. “God bless.”

Makailang ulit ding naging miyembro ng national team si RDO, kasama sa squad na nanalo ng silver sa 2013 FIBA Asia Championship sa Manila na nagbigay sa Pilipinas ng ticket sa 2014 FIBA World Cup sa Spain. Kasama rin si De Ocampo sa team ng namayapang Aric del Rosario na sumikwat ng gold sa 2003 SEA Games sa Ho Chi Minch, Vietnam.

Sa record ni chief statistician Fidel Mangonon III, magre-retiro si De Ocampo na may PBA career totals na 7,746 points, 3,844 rebounds at 1,273 assists. (VE)