Ibang team palaban may June Mar o wala

Naniniwala ang mga PBA official na mabibigyan ng ibang team ng magandang laban ang San Miguel Beer sa Philippine Cup, kahit pa hindi nagka-injury si 6-foot-10 giant June Mar Fajardo.

Inabot ng right shin fracture sa ensayo, noong Lunes, inoperahan kinabukasan at out na ang reigning five-time MVP sa opening­ tournament ng 45th season na sisiklab sa March 1 sa Smart Araneta Coliseum.

Ilang halimbawa ng lumakas na team ang Phoenix Pulse na No. 1 pagkatapos ng elimination ng nakaraang all-Filipino, gayundin ang NLEX na top naman papasok ng playoffs ng season-ending Governors Cup.

“Teams are improving. The so-called underdogs before are really playing and winning,” ani Fuel Masters board representative Raymond Zorilla. “That’s something not usual. Teams are improving and hopefully that includes us.”

Sinegundahan ito ni Bobby Rosales ng Columbian Dyip.

“The recent draft was rich in talent kahit kinuha nila (sa Gilas) ‘yung limang players. By and large, the competitiveness of the league has vastly improved,” aniya.

Sa likod ni Fajardo, No. 1 ang SMB sa scoring noong nakaraang season sa 102.8 points per game, kasunod ang Columbian (101.5), NorthPort (101.1), TNT (99.1), Blackwater (98.2), NLEX (97.9), Ginebra (97.3), Phoenix (96.2), Meralco (94.9), Alaska (92.2), Magnolia (90.6) at Rain or Shine (89.8). (VE)