Nakarekober ang militar ng iba’t ibang armamento mula sa teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) kabilang ang ilang high-powered firearms sa ginawang clearing operations sa lugar ng engkuwentro sa Barangay Paligi, Indanan, Sulu kahapon.

Bukod sa ilang mga military uniforms na gamit ng nagsitakas na miyemrbo ng ASG, isang M16 armalite rifle na may walong magazines at iba’t ibang amunisyon ang nakuha sa encounter site ng mga tauhan ng 16th Infantry Battalion.

Ayon kay Army Capt. Jo-Ann D. Petinglay, information officer ng Western Mindanao Command (Wesmincom), naka-engkuwentro umano ng tropa ang grupo ni Aldin Bagadi sa Indanan na naging sanhi ng pagkasawi ng ilang miyemrbo nito.

Tumakas umano ang bandidong grupo nang unti-unting nalalagasan na sila ng puwersa bitbit ang labi ng kanilang kasamahan.

“The recent seizure only proves that the Abu Say­yaf members are hiding their armaments because their corridors have already been narrowed,” pahayag ni Major General Carlito Galvez Jr., ang commander ng Western Mindanao Command sa Sulu.

Nabatid na ang ilang mga miyembro ng ASG ay nakikihalubilo sa mga sibilyan upang maiwasan ang pagtugis sa kanila ng mga awtoridad.