Iba’t ibang isyu natakpan ng Barretto family scandal

Isang linggo na mula nang pumanaw ang Barretto patriarch na si Miguel Barretto, heto’t ‘hot topic’ pa rin sa media ang bangayan ng Barretto sisters na sina Marjorie, Gretchen at Claudine.

Sabi nga nila, parang tunay na teleserye ang iskandalo sa pagitan ng magkakapatid na inaabangan ng tao araw-araw kung ano ba ang latest sa kanila.

Anumang antas ng pamumuhay, mapa- middle class o iyong mga mga nasa lo­wer class ay inaabangan kung may mga bago bang pasabog sa kanilang tatlo. Sa TV man, sa diyaryo o sa social media talagang nakatutuok ang tao dahil andun pa ang kanilang interest sa real-life teleserye ng mga Barretto.

Ang publiko ay hati na rin sa isyu. May pro-Marjorie, merong ding naniniwala kay Gretchen gayundin kay Claudine. May lumabas pa ngang survey sa social kung sino ang kanilang kinakampihan.

Dahil halos isang linggo na ang iskandalo, may ilang nagsabing nauumay na sila. Su­balit ang totoo’y inaabangan pa rin kung ano ang bago sa bangayan ng mga Barretto.

Sabi nga nila, kandidato na para sa ‘Newsmaker of Year’ ang Barretto family scandal na ito. Kasi nga naman halos isang linggo na tumakbo ang istorya at usapan at tila wala pang katapusan ito.

Natakpan na nga raw ang ibang mga kontrobersyal na isyu, tulad na lamang ng usapin kay dating PNP chief Oscar Albayalde at sa 13 ‘ninja cops’ na sangkot sa drug recycling.

Pati na rin ang kontrobersiya ng implementasyon ng GCTA Law, kasama na ang iba’t ibang isyu ng katiwalian sa BuCor ay walang ng balita.

Ang patuloy na pagsadsad ng presyo ng palay, natabunan na. Pati ang isyu ng water rationing ay malamang hindi na rin natutukan ng publiko.

Habang tinutukan ng publiko ang iskandalo ng pamilya Barretto, heto’t patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng ating mga bilihin lalo’t Christmas season na.

Dalawang buwan pa bago mag-Pasko pero ang presyo ng manok pumalo na sa P190. Last year, P135 lang ang presyo niyan. Ang bangus na dating P140 ngayon ay P200 na. Ang tilapia ngayon ay P150 mula sa dating P100.

Hindi masyadong mabenta ang baboy dahil as ASF virus. Kaya sinamantala naman ng traders ang pagkakataon at tinaas ang presyo ng manok at isda.

Pati presyo ng gulay ay pumalo na rin, isama mo pa diyan ang presyo ng de lata.

Masyado tayong nalibang sa pag-aabang sa kung anong bago sa mga Barretto at ma­lamang ‘pag humupa na ito, baka magulat na lang tayo na P250 na ang presyo ng manok at maging P25 na bawat lata ng sardinas. Huwag naman sana!