Binalaan ang mga empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hintayin ang kanilang paglabas sa trabaho bago maglaro ng kinahuhumalingang Pokemon Go.
May karampatang parusang ipapataw ang ahensya sa mga empleyadong mahuhuling naglalaro ng Pokemon Go dahil makakaapekto ito sa pagtupad sa tungkulin ng ahensya.
Mabuti naman at naging maagap ang MMDA sa pagpapaalala sa kanilang mga tauhan dahil mali naman talagang may mga empleyado mapa-pampubliko o pampribadong tanggapan na naglalaro ng Pokemon Go o ng kahit anong klaseng laro sa computer.
Para sa amin, higit sa anupamang mga ahensiya ng gobyerno, ang Civil Service Commission (CSC) at ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang dapat na nagpapalabas ng ganitong klaseng mga abiso o paalala.
Ngayong mainit na mainit na ang larong ito ay dapat na naglalabas na ng paalala o regulasyon ang CSC at DILG patungkol sa mahigpit na pagbabawal sa paglalaro ng nasabing uri ng laro dahil talagang nakakaapekto ito sa pagtupad sa tungkulin ng isang empleyado.
Hindi rin magandang makita lalo na ng mga nagtutungo sa mga ahensya ng gobyerno na nawawala o abalang-abala sa paglalaro ng Pokemon Go ang mga empleyado.
Pakatandaan ng lahat ng empleyado, mapa-pribado o pampublikong mga tanggapan na ang larong Pokemon Go ay nariyan lamang pero ang kanilang trabaho ay hindi malayong masakripisyo o maglaho kapag nahumaling sa paglalaro o habang nasa oras ng kanilang trabaho.