Ibibigay ko pa rin lisensiya ko

Kamot-batok ako sa memorandum na inilabas ng PNP Supervisory Office on Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) tungkol sa pagkumpiska ng mga guwardiya ng mga pribadong subdibisyon at villages sa mga driver’s license ng mga pumapasok sa lugar na pinangangasiwaan ng mga ito.

Ayon sa naturang sangay ng PNP, bawal daw ito sa batas kaya mali na hingin ng mga guwardiya ang mga driver’s license ng mga motoristang papasok sa kanilang lugar bago padiretsuhin.

Malinaw daw ang batas tungkol dito.

“Pursuant to reference 1a, the power to secure and/or confiscate drivers’ licenses are lodged under the capacity of the Land Transportation Office personnel, and others who are duly deputized by the said agency,” banggit ng ahensiya sa memo na inilabas Hunyo 15, 2020.

Ang tinutukoy dito ay ang Republic Act 4136 or the Act to Compile the Laws Relative to Land Transportation and Traffic Rules to create a Land Transportation Commission and for Other Purposes.

Hindi rin daw puwedeng gawing batayan ang umiiral na batas patungkol sa pangangasiwa ng mga pribadong lupain.

“In pursuant to Housing and Land Use Regulatory Board Administrative Order No. 03 series of 2017, homeowners associations and security guards of subdivisions are likewise not authorized by traffic laws to take custody, even temporarily, the license issued by the LTO,” banggit pa sa memo.

Parang mahirap itong ipatupad dahil gaya nga ng nakagawian, mga security guards ang gumagawa ng sistema sa mga nabanggit na lugar, at ang mga may-ari ng mga security agencies nila, kundi man retirado ay aktibong opisyal ng kapulisan o sundalo na alam na rin pihado ang mga tamang patakaran pero ayaw lang ipatupad.

Kung halimbawa din na malagay ako sa ganyang situwasyon na kailangan kong pumasok sa isang exclusive village, kung ano ang hihingin sa akin ng guwardiya para makapasok ay iyon ang ibibigay ko.

Hindi na ko na ikakatuwiran ang batas dahil hind siguradong hindi naman ako papasukin at kung mangatuwiran man ako, me pulis ba sa tabi ng mga guwardiya para sabihin sa kanila na ako ang tama at mali ang ginagawa nila?

Ibibigay ko pa rin ang lisensiya ko para ako makapasok, tutal isasauli din naman sa akin yan ng buong buo pagdaan ko ulit sa kanila palabas o paalis sa pinuntahan ko.

Mahirap po maabala at mas mahirap pag hindi ka nakarating sa pupuntahan mo dahil ayaw mong ibigay ang lisensiya mo sa nagbabantay.
Kuwentuhan po tayo sa FB add niyo po ako @Carlito Evangelista.
Ayos ba?