Ibigay ang suporta sa kapulisan

Masigasig ang ating kapulisan sa paglulunsad ng anti-drug operations bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa katunayan, sa pag­lipas ng araw ay padami na nang padami ang napapatay na mga sangkot sa iligal na operasyon ng ipinagbabawal na gamot.

Kaakibat ng dumara­ming napapatay na mga sangkot sa sindikato ng iligal na droga ay daanlibo na ring mga kababayan nating ang sumusuko sa gobyerno.

Karamihan sa mga sumusuko ay ang mga pusher at mga user ng iligal na droga. Nagiging matahimik ang mga pangyayari sa tuwing may mga boluntaryong sumusuko at nagiging madugo at marahas lamang kung nabubulaga ang mga sindikato sa ope­rasyong ikinakasa ng mga awtoridad kaya ang resulta timbuwang ang mga ito.

Pero alam ninyo bang sa lahat ng tinatamasang tagumpay sa kampanya laban sa operasyon ng iligal na droga ay may ilang matataas na opisyales ang dapat na saluduhan dahil hinding-hindi ito makakamit ng Philippine National Police (PNP) kung walang leadership ang mga nakapuwestong opisyal?

Kaya saludo tayo kina PNP Chief Ronald ‘bato’ dela Rosa na walang pagod kaya’t nagiging matagumpay ang lahat ng anti-drug operation.

Maliban kay PNP Chief Dela Rosa ay malaking tulong din siyempre sa operasyon kontra iligal na droga itong si National Capital Regional Police Office (NCRPO) Ac­ting Director Police Chief Supt. Oscar Albayalde na napakasigasig sa pamamahala upang maging positibo ang lahat ng operasyong ikinakasa sa Metro Manila.

Pero napaka-low profile talaga ng mamang ito dahil sa kabila ng tinatamong tagumpay ay buong pagpapakumbaba nitong ibinabahagi sa mga kasamahan ang bawat tagumpay ng kanilang mga operasyon.

Bukod sa mga kasamahan ay naniniwal itong si Supt. Albayalde na hindi makakamit ng NCRPO ang tagumpay kung walang pakikiisa ang taumbayan na sa tingin ko ay dapat nating tugunan.

Sa kabila ng inaaning tagumpay ay hindi pa kuntento ang opisyal dahil nananawagan ito sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng feedback sa mga ginagawa ng NCRPO sa NCRPO website: www.ncrpo.pnp.gov.ph, twitter accounts: NCRPO-React, ordncrpo at facebook account: NCRPO-React o Pio-Ncrpo.