Nagawan ng paraan ni Tim Cone para maigapos si Allen Durham, at kumapit ang Ginebra para i-preserba ang 82-79 panalo kontra Meralco para itabla sa tig-isang laro ang Finals ng PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum kagabi.
Ang solusyon ni Cone: Buong ipinabulabog sa kanyang defender na si Sol Mercado ang eksplosibong si Durham.
Tumapos si Durham ng team-high 22 points, pero diyeta na ‘yun kumpara sa tinabong 46 sa 114-109 win ng Bolts sa opener.
Pagkatapos lumayo 69-60 papasok ng fourth, dumipensa na ng todo ang Gins sa final 12 minutes, huli nang bulabugin ang panghatak-overtime sanang magkasunod na 3 ng Bolts, una rito kay Durham, habang papaubos ang oras.
Aminado si Cone na masagwa ang shooting nila, hindi pumapasok ang mga tira na dating ginagawa. Pero dahil gumana ang depensa, pumabor sa Gin Kings ang resulta.
“Your defense is your constant. Shooting varies from game to game but your defense is your constant,” paliwanag ni Cone.
Iniba ng tactician ang matchups, inilagay si Mercado kay Durham.
“He (Mercado) limited his (Durham) touches,” dagdag ni Cone. “Gotta give credit to Sol, he’s our MVP tonight.”
Tumapos si Justin Brownlee ng 32 points sa 12 for 26 field goal shooting at may 12 rebounds para sa Kings. Busy sa magkabilang dulo ng court si Mercado na may ayuda pang 12 points, may 10 si Mark Caguioa at tig-nine points sina LA Tenorio at Scottie Thompson.
Ngayong tabla na ang serye, balik sa drawing boards si Cone at counterpart niya sa Meralco na si Norman Black para sa adjustments sa Game 3 ng best-of-seven series sa Miyerkules sa Big Dome din.
“Norman’s gonna figure out things to do for him (Durham),” pakli ni Cone. “Now the ball’s in their court, they have to make the adjustments.”
ang ganda ng laban… parehong beteranong coach Tim Cone vs. Norman Black ..