Hinikayat ng World Health Organization (WHO) ang publiko na huwag munang uminom ng ‘Ibuprofen’ sa panahon ngayon na may banta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni WHO Spokesman Christian Lindmeier sa mga reporter sa Geneva na iniimbestigahan na nila ang mga report na kaya tumaas ang death toll ng COVID-19 sa Italy dahil sa pag-inom ng Ibuprofen. “In the meantime, we recommend using rather paracetamol, and do not use ibuprofen as a self-medication. That’s important,” ayon kay Lindmeir.
Idinagdag pa ni Lindmeir na kung inihatol ng mga health care professional, depende na sa pasyente kung gagamitin nila ito. Sa ulat, lumala umano ang kalagayan ng mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 matapos ang paginom ng ibuprofen. Sa kasalukuyan, umaabot na sa halos 8,000 katao ang mamamatay dahil sa COVID-19 sa buong mundo. (Juliet de Loza-Cudia)