Ipinamukha ng Malacañang sa International Criminal Court (ICC) na gumagana ang judicial process sa bansa, patunay ang conviction sa mga pulis na sangkot sa Kian delos Santos case.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang mabilis na aksiyon ng korte sa kaso ni Kian ay indikasyong walang karapatan ang ICC na manghimasok sa judicial process ng Pilipinas.

Isang matibay na mensahe sa ICC ang mabilis na paglutas ng korte sa kaso ni Kian kaya’t dapat tantanan ang gobyerno at si Pangulong Rodrigo Duterte.

“From the very start, the administration’s policy was to be intolerant with any kind of abuse coming from the military as well as the police and for that matter, any abuse coming from any civilian; any violation of law. And it also demonstrates, by the way, the theory when the detractors of the President advocate the idea that the ICC has jurisdiction because this country does not have the capability of pro­secuting criminals,” ani Panelo.

Isa ang kaso ni Kian sa mga idinahilan ng oposisyon nang ireklamo si Pangulong Duterte sa ICC dahil sa extra judicial killings (EJK) sa bansa.

Ginamit naman ng mga militanteng kongresista ang naging hatol ng Caloocan Regional Trial Court laban sa mga pulis na pumatay kay Delos Santos upang muling batikusin ang war on drugs ni Pangulong Duterte.

Binanggit ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao na makakamtam lang ang katarungan kung ang tunay na promotor ng kaliwa’t kanang patayan ang siyang mananagot.

Sinabi naman ni Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago, mga mahihirap lang ang tinatamaan ng giyera kontra iligal na droga ng administrasyon.