Idaan sa tamang proseso

Nakakabahala na naman ang panibagong kaso ng pagpatay ng ilang tauhan ng Caloocan City Police sa isang binata sa lungsod.

Ang napatay na si Carl Angelo Arnaiz ay idinadawit ng mga nakaengkwentrong kagawad ng Caloocan City Police sa kasong panghoholdap sa isang taxi driver.

Naunang iniulat ng mga pulis na nanlaban ang binata nang tangkang aarestuhin dahil sa panghoholdap sa isang taxi driver noong Agosto 18. Pagkaraan ng sampung araw ay natagpuan ang bangkay ni Arnaiz sa isang morgue.

Dahil sa kwestiyonableng sanhi ng kamatayan ni Arnaiz na isang 19-anyos ay iniimbestigahan na ng Internal Affairs Service at Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) ang insidente.

Naniniwala si National Capital Region Police Office chief Director Chief Superintendent Oscar Albayalde na sa pagsasagawa ng imbestigasyon ay maaaring mabunyag kung may pang-aabuso ang mga pulis sa pagpatay sa menor de edad.

Ni-relieve na rin ang mga sangkot sa kasong pagpatay na sina Police Officer 1 Jeffrey Perez at Police Offcer 1 Ricky Arquilita,

May go signal na rin ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II sa National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang pagkamatay ni Arnaiz.

Ganitong aksyon ang hinihintay natin sa mga kinauukulan, lalo na sa matataas na opisyal ng kapulisan.

Ang kastiguhin ang mga nakikitang pagkakamali sa isinasagawang mga operasyon upang hindi maging sistema ang basta na lamang pagpatay sa mga pinaghihinalaan pa lamang namang mga sangkot sa iba’t ibang krimen.

Ang sa amin, malayang gawin ng mga awtoridad ang kanilang anti-criminality at drug operations pero sana ay idaan sa tamang proseso upang hindi maging kaduda-duda sa mata ng taumba­yan at hindi rin kaawa-awa ang mga inosenteng napapatay sa mga ­operasyon.