Ibinida ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakahanda nitong punan ang lahat ng kailangan ng mga sundalo at pulis para maayos na magampanan ang kani-kanilang mga tungkulin.
Sa katunayan, ayon kay Pangulong Duterte, ay kanya nang inatasan ang Department of National Defense (DND) na bumili ng mga pangangailangan ng tropa ng gobyerno.
Upang mapadali ang pagbili ng mga pangangailangan ng mga sundalo at pulis ay sinabi ni Pangulong Duterte na hindi na ito idadaan sa bidding.
Layon ng mabilisang pagbili at pamamahagi ng mga kagamitan ng mga militar at pulisya ay upang magkaroon ang mga ito ng proteksyon sa bawat operasyong susuungin at lumaki ang chance of survival.
Sang-ayon tayo sa magandang hangarin para sa mga pulis at militar ni Pangulong Duterte.
Kitang-kita naman ito sa pag-iikot na ginagawa nito sa halos lahat ng kampo militar sa bansa at ang nakalinyang pagbisita rin sa mga istasyon ng pulisya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kinikilala natin ang ipinakikitang malasakit ng Pangulo sa tropa ng ating gobyerno na talaga namang laging nasa hukay ang kabilang paa dahil sa pagtupad nila sa tungkulin, lalo na ngayong matindi ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Pero ang sa amin, idaan naman sana sa tamang proseso ang pagbili ng mga pangangailangan ng ating mga sundalo at kapulisan upang walang maging problema sa panig ng ating Pangulo na alam naman nating malinis ang intensyon.
Sayang naman ang magandang layuning ito ng Pangulo para sa ating mga kapulisan at militar kung may masisilip na salto sa gagawing pagbili.