Ididiliber na sana sa mall: Karneng may ‘swine fever’ naharang

Nasabat ng mga miyembro ng Department of Environment and Natural Resources
Quarantine-Pangasinan (DENRQ-Pang) kahapon ang kulang-­kulang sa 2,000 kilo ng karne ng baboy na pinaghihinalaang may African Swine Fever (ASF) sa Barangay West, Rosales, Pangasinan.

Ayon sa DENRQ-Pang, ang mga karne ng baboy na kanilang nasabat ay nangyari bandang alas-11:05 ng umaga sa isang checkpoint sa nasabing barangay.

Sa report ng nasabing ahensiya, ang mga nasabing karne ay lulan ng isang Elf van na may conduction sticker 1-104-0856 na pag-aari ng Atkins Import and Export Inc. na nakabase sa Mecauayan, Bulacan.

Sinabi ng DENRQ-Pang, ang nasabat na mga karne ay idi-deliver sana sa Robinson’s Mall sa Dagupan City, Pangasinan.

Sinabi ng DENRQ-Pang sa Abante na ang mga kumpiskadong karne ng baboy ay dadalhin sa lokal na meat inspection bureau para maeksamin.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang checkpoint ng nasabing ahensiya sa mga pumapasok sa bayan ng Pangasinan. (Allan Bergonia)