Idulog sa korte para maging malinaw ang interes

sinisingil na renta

Dear Atty. Claire,
Gandang araw po, nais ko po sanang idulog sa inyo ang problema namin ng kaibigan ko. Meron po kaming nautangan na kakilala namin, ang tawag ay 5/6 pero ang tubo niya sa 10k ay 3k sa loob ng 2 buwan.

Meron din pong extra na tinatawag sa nakuha po namin na 80k ay nagbibigay po kami ng tubo ng 8k kada linggo halos umabot na po sa 90+ ang naipatubo namin sa kadahilanang hindi na nga po namin makaya ang hulog. Kami po ay nasira at nakipag-usap sa kanila na magbabayad ngunit sa abot ng kaya naming maihulog sana ngunit pinipilit po kami sa ayon ng kanilang kagustuhan sa pagkakataon na aming napagkasunduan at may tubo pa rin po ‘yun ng 20%.

Kami po ay may pinir­mahan na kasunduan kung kaya po kami ay nakikipag-usap upang maayos at mabayaran sa magandang paraan ngunit kami po ay halos minu­ra na sa mga text nila at kung maaari daw po na ibenta namin ‘yung kaluluwa namin para makabayad kami.

Sila po ang kinukunan namin ng pera pero iba-iba pala ang may-ari ng pera na binibigay niya sa amin at nalaman din po namin na ang bigay sa kanyang tubo ay 5% pero pinapasa niya sa amin ng 30% at pinipilipit din po niya na magbayad ng utang namin ang mga hindi nakapirma sa pinirmahan na kasunduan.
Sana po ay mabigyan kami ng kaalaman. Maraming salamat po..

Raymond Palma

Raymond,
Nakakalungkot isipin na marami pa ring mga tao na ganyan ang pag-uugali na parang sa pera lamang umiikot ang mundo nila. Ayon sa kuwento mo ay kaya napakalaki ng tubo nila ay dahil sa hindi sila ang tunay na nagpapautang kundi para lamang silang agent na nagpapatanong pa ng karagdagang tubo para sa sarili nilang kita o income.

Sinabi mo na may kasunduan kayo pero hindi mo nasabi kung sa kasunduan na iyan ay may nakasulat na interest na dapat mong bayaran dahil masusunod lamang ang pinag-usapang interes kapag ito ay napagkasunduan at nakasulat sa isang dokumeto. Kapag verbal lamang at hindi naisulat sa kasunduan ay wala ring bisa at epekto ang napag-usapang interes para sa utang.

Sa aking palagay ay sobrang taas ng ­interes na pinapataw nila sa inyo at hindi na ito makatwiran at makatao. Kung hindi na makakaya na bayaran dahil sa sobrang taas ng interes ay maaari itong idulog sa korte at hilingin na idetermina kung maaaring ibaba ang interest.

Sa mga hindi na mabilang na kaso na dinesisyunan ng Supreme Court ay ibi­nababa nila ang tubo o interest sa 12% per annum (taon) kapag napatunayan na ang ipinapataw na interest ay hindi na makatwiran at labag na sa moral.

Sa mga kasong in Medel v. Court of Appeals, 359 Phil. 820 (1998) at Spouses Solangon v. Salazar, 412 Phil. 816 (2001) ay pinawalang-bisa ng korte ang napagkasunduang interest na 5.5% kada buwan o 66% na interest kada taon dahil sa sobrang taas nito at tunay na hindi na makatwiran at makatao. Ibinaba ang interest sa 12% kada taon lamang ang dapat na babayaran. Sa sobrang taas ng tubo ay para nang ginagawang alipin na ang mangungutang o borrower kaya hindi ito pinapayagan ng korte natin.

Makipag-ugnayan na sa abogado para makakilos kayo kaagad upang matapos na ninyo ang inyong kinatatakutan.

***

Kung may katanu­ngan pa ay tumawag lamang sa 410-76 24 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.