Nakaugalian na nating mga Pilipino na bumisita sa sementeryo tuwing a-uno at a-dos ng Nobyembre para dalawin ang puntod ng ating mga namayapang mahal sa buhay, bitbit ang mga kandila, bulaklak at mga pamatid uhaw at gutom.
Umulan man o umaraw, tiyak na dadagsa ang milyon-milyong mamamayan sa mga sementeryo na animo piyestang pagdiriwang ang Undas.
Bagama’t kapuri-puri ang ganitong pagbubuklod nating mga Pilipino, nababahiran ito ng walang pasubaling pag-aaksaya at pagkakalat sa mismong himlayan ng mga mahal na namayapa, puna ng EcoWaste Coalition, isang makakalikasang grupo.
“Bago pa man mananghali ay makapal-kapal na ang mga kalat sa paligid ng mga puntod at sa mga maliliit na daraanan. Nagkalat ang upos ng sigarilyo, balot ng kendi at tsitsirya, baso o supot na plastik para sa palamig, basyong bote ng tubig at iba pa,” wika ni Jove Benosa, zero waste campaigner, EcoWaste Coalition.
Sa pagnanais na maging malinis at ligtas ang paggunita sa Undas, nagpaabot ng ilang mga praktikal na mungkahi ang Ecowaste Coalition sa Simbahan, sa mga tagapangasiwa ng sementeryo, mga tindero at sa publiko.
Sa Simbahan, nanawagan ang EcoWaste Coalition na himukin at gabayan nito ang sambayanan tungo sa simple, ispiritwal at makakalikasang paggunita sa Araw ng mga Patay.
Sa mga tagapangasiwa ng mga sementeryo, pampubliko man o pribado, dapat magtalaga ng sapat na ‘recycling station’ sa loob at labas ng sementeryo para sa madaling pagbubukod ng mga nabubulok at ‘di nabubulok na panapon.
Sa mga tindero’t negosyante, iwasan ang mga isahang gamit na plastic, o single-use plastic tulad ng mga supot, straw, baso at iba pa, at sikaping huwag lumikha ng anumang basura. Sa mga mamimili, mabuti ang magdala ng bayong, bag na katsa o anumang sisidlan na magagamit muli para sa mga bagay na dadalhin sa sementeryo at mga bagay na bibilhin doon.
Sa mga bibisita sa puntod, narito naman ang ilang tips:
-Piliin ang mga kandilang ‘di lumilikha ng maitim na usok at abo at walang mitsang may tingga (lead); magsindi lamang ng sapat na bilang.
-Mag-alay ng mga lokal na bulaklak, at iwasan na balutan pa ito ng plastik.
-Iwasan ang labis-labis ng pagbabaon o pagbili ng pagkain at inumin. Iwasan ang paggamit ng mga isahang gamit na sisidlang plastik o styrofoam.
-Magbaon ng inuming tubig para hindi na bumili ng ‘bottled water’.
Ang sa akin lang, irespeto natin ang himlayan ng mga patay. Panatilihin itong malinis at ligtas sa kalat at polusyon. (pics courtesy of EcoWaste)