Hindi na matutuloy ang nakatakda sanang kasal ng isang balut vendor makaraang pagbabarilin hanggang sa mapatay ng apat na suspek kahapon nang hatinggabi sa Rosario, Cavite.
Pasado alas-12:00 ng hatinggabi kahapon nang pagbabarilin ang biktimang si Ronald Ricalde sa harap ng isang gasoline station sa Brgy. Tramo ng nasabing bayan.
Batay sa mga saksi, apat na kalalakihan na pawang sakay ng tricycle at hinihinalang nakainom ng alak, ang huminto sa tapat ng biktima, habang namimili ito ng ititinda niyang balut.
Maya-maya pa ay nagkaroon na umano ng komosyon sa pagitan ng biktima at mga suspek, kasunod nito ay pinagbabaril ng isa sa mga suspek ang biktima na agad nitong ikinamatay.
Matapos ang krimen, agad na tumakas ang mga suspek patungo sa Brgy. Tejeros Convention ng nasabing bayan.
Hinala ng pulisya, posibleng panghoholdap ang pakay ng mga suspek, dahil may dalang malaking pera ang biktima na ipambibili nito ng paninda, ngunit hindi sila nagtagumpay dahil natagpuan ang hindi tinukoy na halaga ng pera sa compartment ng motorsiklo ni Ricalde.
Nabatid naman sa susunod na buwan na sana ang nakatakdang kasal ng biktima at ng live-in partner nito na kinilala lamang sa Pinky.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang pulisya sa mga tumakas na suspek, nakatakda rin nilang alamin kung nahagip ng mga cctv ang pangyayari sa lugar o sa mga kalsadang dinaanan ng mga suspek.