Matalim ang naging pahayag kamakailan ni actress/host Kris Aquino kung bakit hindi siya maaaring tumakbo sa 2019 senatorial elections. Nakapirma siya sa kontrata ng isang fast food chain na hindi siya maaaring pumasok o sumawsaw sa usaping politika habang umiiral ang kontrata.
Naging prangka rin si Kris sa pagsisiwalat na ang asawa ni Senador Paolo Benigno ‘Bam’ Aquino IV, ang siyang nag-negotiate ng kontrata. “@bamaquino Thank you…But you do realize I’ll violate the contract I signed w/c your wife @timiaquino negotiated if I run for any elective post in 2019? @chowking renewed me until 2020…” bahagi ng pahayag ni Kris.
Sa naging pahayag ni Kris, tuwiran niyang sinupalpal ang kanyang pinsan na si Senador Bam Aquino. Tila lumabas na isang sinungaling na tao si Bam. Eh paano ba naman kasi, sinabi niya sa isang interview na mag-uusap pa raw ang pamilya kung magsasabay sila sa pagtakbo o isang Aquino lang ang tatakbo sa 2019 senatorial elections.
At sinabi pa ni Bam na kung tatakbo raw si Kris, sigurado ang panalo nito sa pagka-senador kahit alam na niya na ipinagbabawal sa ad contract ang pagpasok ng aktres sa politika. Alangan namang itinago ni misis ang mahalagang impormasyong ito?
Sa pinirmahang kontrata ni Kris, para siyang ikinahon ni Bam Aquino, tinanggalan ng pakpak na lumipad sa larangan ng politika. Kung sinadya niya itong gawin, si Bam Aquino lamang ang makakasagot nito. Pero kung iaanalisa ang sitwasyon kung magkakasabay sa pagtakbo sina Bam at Kris, mahihirapan ang senador na manalo ng reeleksiyon.
Ngayon pa lang, hirap na si Bam na makapasok sa Magic 12. Sa survey ng Pulse Asia noong Marso, pang-14 lamang siya at nakikipagbalyahan sa isa pang incumbent senator na si JV Ejercito. Nasa unahan niya ang mga bigatin na senatoriables na sina dating PNP chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa, dating Senador Jinggoy Estrada at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.
Ang nakapagtataka lang, kung sinadya ni Bam na ikahon si Kris upang masolo ang apelyidong Aquino sa darating na halalan, bakit parang ayaw nitong gamitin ang kanyang tunay na pangalan at apelyido? Sa mga press statement ng senador, palaging siyang tinatawag na Senador Bam imbes na Senador Aquino.
Samantalang ‘yung ibang senador, katulad nina Senate President Tito Sotto, Senador Ralph Recto, Sonny Angara, Grace Poe at iba pa, proud na proud gamitin ang kanilang apelyido. Kunsabagay, diskarte niya ‘yan eh. Kung matalo siya, na sa tingin ko ay talagang pupulutin siya sa kangkungan, kasalanan din ito ng senador.