Ikinamatay ng babae sa ‘instant ganda’ lumabas na

Multiple organ ­failure secondary to ­complications of cosmetic ­surgical ang ikinasawi ng negosyanteng si Shiryl Saturnino, matapos na sumailalim sa tatlong cosmetic procedures sa The Icon Clinic na matatagpuan sa Mandaluyong City nitong Marso 26, nang taong kasalukuyan.

Ito ang pahayag kahapon ni Senior Supt. Joaquin Alva, hepe ng Mandaluyong City Police matapos lumabas kahapon ang result ng awtopsy ­report na isinagawa ng mga medical doctors sa labi ng biktima.

Ayon kay Alva, ­bukod sa awtopsy report na ­lumabas, hihintayin pa nila ang result ng histopathological examination, na dalawang linggo pa bago ilabas ang resulta.

Samantala, ayon kay Senior Supt. Marcelino Pedrozo, commander ng Special Investigation Task Group (SITG) Shiryl, kung mapapatunayang ang ­pagkamatay ni Saturnino ay dulot ng kapabayaan ng mga ­doktor na nag-opera sa kanya ay sasampahan nila ang mga ito ng mga kasong kriminal at administratibo, na maaaring magresulta sa pag-reprimand, pag-suspensyon at pagbawi ng kanilang mga lisensya.

Nabatid na si Saturnino ay isinailalim sa liposuction, butt at breast augmentation nina Dr. Samuel Eric Calderon Yapjuangco, ­anesthesiologist at Dr. Jose Jovito Cordero Mendiola, at mga nurse na sina Virgil Alec ­Ongleo, Alvin Carl Genove, at Audrey Michelle Santos, ngunit matapos ang operasyon ay binawian ito ng buhay sa loob ng The Icon Clinic sa ground floor ng the Summit One Tower, 530 Shaw Boulevard, Barangay ­Highway Hills, Mandaluyong City.