Maraming sabungero ang naghahanap ng masisisihan kapag natatalo ang mga manok nila, mahirap kasama ang mga ganito. Minsan ‘yung pinanggalingan ng manok ang pinagbubuntunan ng sama ng loob. Sinasabi nilang losing breed daw.
Mga klasmeyt, maraming dahilan kaya natatalo ang mga manok natin, puwedeng kinulang tayo sa paghahanda o kaya mas maganda ang pagkokondisyon ng mga nakakalaban natin. Puwedeng mas magaling talaga ang kalaban o puwedeng kung hackfight ay talo tayo sa ulutan.
Ang sabong kasi ay hindi suwertihan, pagalingan ng paghahanda, kung dinampot mo lang ang panlaban mo ay malamang sa talo ‘yan. Marami kasi sa mga bagitong sabungero na katihin, ‘yun bang kapag naisipang maglaban ay dadampot na lang sa mga nakasoga, may mga beterano naman na rookie kung manabong.
Ang payo ko lang, ihanda niyo nang maayos ang mga panlaban niyo at sundin ang araw ng laban.
Hindi ‘yung bigla mo na lang dadamputin ang manok at diretso na sa sabungan, kapag ganito ang karakter mo eh nagtatapon ka lang ng pera.
***
Congratulations kay former Palawan governor at ngayon ay chairman ng Games and Amusement Board (GAB) Baham Mitra, kampeon siya sa 2018 Thunderbird Manila Challenge 6-Cock All-Star Derby na ginanap sa Araneta Coliseum.
Kasama niyang nagkampeon si Engr. Expedito Taguibao.
Muling kuminang ang ‘Mitra 56’, ibinandera ni Boss Baham ang Asil Blues.
Si Baham ay anak na bunso ni late Speaker at dating Senador Don Ramon Mitra na naging kampeon din sa larangan ng sabong. (Elech Dawa)