Nakakagulat ang pahayag ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) na umaabot sa anim hanggang sampung bilyong piso na ang utang ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) sa mga pribadong ospital sa bansa.
Hindi lang ang Philhealth ang pumalag sa balitang ito kundi pati na rin ang Anakalusugan party-list organization, ang grupong nagsusulong sa kalusugan ng bawat mamamayan. Suspetsa ng dating cabinet member na si Mike Defensor, 2nd nominee ng nasabing party-list, pinalobo ang utang ng ilang tiwaling opisyal ng ospital.
“Ang dapat gawin diyan sa mga nandodoktor ng bayarin, kasuhan at ikulong,” diin ni Defensor. Binanggit pa ng nominee ng Anakalusugan party-list na marapat lang na i-audit ang sinisingil ng mga pribadong ospital upang magkaalaman.
Binanggit pa ni Defensor na hindi malayong ang pasyenteng nagpakonsulta lamang sa kanyang sakit ay maniningil na sa Philhealth na sumailalim sa operasyon. Naniniwala din itong hindi mga doktor ang gumagawa ng milagro, kundi ang ilang opisyal ng ospital na gustong magsamantala sa Philhealth.
Nalaman din natin sa nominee ng Anakalusugan na may sapat na pondo ang Philhealth at kayang bayaran ang pagkakautang sa mga pribadong ospital. Ang nagpapatagal lamang dito ay ang pagbusisi kung tumpak ang halagang sinisingil sa gobyerno.
Isa tayo sa pumapalakpak sa adbokasya ng Anakalusugan party-list organization. Para magkaroon ng malusog na ekonomiya, kailangang malusog din ang mga mamamayan.
***
Marami ang natuwa sa sunod-sunod na rollback sa presyo ng petrolyo sa bansa. Simula noong Sabado hanggang nitong Lunes, nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng P1.30 bawas sa kada litro ng gasolina at P1.10 naman sa diesel. Ito na ang ikaanim na sunod na linggo na nagbaba ang presyo ng petrolyo. Sa panahong ito, higit sa P7 na ang natapyas sa bawat litro ng gasolina at P 5 naman sa diesel.
Ang nakapagtataka lang, bakit hindi bumaba ang presyo ng bilihin? Ang karneng baboy, manok at baka, mahal pa rin. Ganun din sa presyo ng galunggong, tilapia at bangus. Ang mga de-latang pagkain at processed food, hindi rin nagbaba ng presyo.
Kung hindi ako nagkakamali, sinabi ng mga economic manager na kinabibilangan ng mga pinuno ng National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Budget and Management (DBM) at Department of Finance (DOF) na ang mataas na presyo ng petrolyo ang isa sa dahilan kaya naiposte ang 6.7% inflation noong Oktubre, kapareho ng rate noong Setyembre.
Lumalabas ba na ang mataas na presyo ng petrolyo ay hindi talaga sanhi ng pagsipa ng inflation? May iba pa sigurong dahilan kung bakit hindi pa kumakalma ang presyo ng bilihin sa bansa.