Ikunsidera ang kapakanan ng mga pasahero nang tumatalima sa batas

Tiwala ang Malacañang sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maayos ang ipinataw na suspensyon sa operasyon ng isang Transport Network Companies (TNCs) na Uber para na rin sa kapakanan ng mga tumatangkilik sa nasabing uri ng transportasyon.

Pinayuhan naman ni Quezon City Rep. Winston Castelo, chairman ng House committee on Metro Manila Development, ang LTFRB at Uber na magkasundo sa tinatawag na ‘win-win solution’ upang hindi maapektuhan ang mga commuter.

Bukod sa riding public ipinakukunsidera sa LTFRB ang trabahong mawawala dahil sa suspensyon subalit kailangan ding sumunod sa batas ang Uber.

Sang-ayon tayo sa posisyon ng Malacañang at ng solon mula sa usaping ito na bumabalot ngayon sa operasyon ng TNCs.

Dapat ay maayos na ang problemang ito para na rin sa kapa­kanan ng mga mananakay at tagapagtangkilik ng nasabing uri ng transportasyon.

Hindi tamang maging urung-sulong ang LTFRB sa pagdidisiplina sa mga transport group na hindi tumatalima sa kanilang panuntunan. Kailangang magpamalas ng matigas na paninindigan ang LTFRB sa kanilang mga desisyon.

Hindi kung hindi at oo kung oo para walang umaasang pasahero at mga kababayan nating gustong magnegosyo ng Transport Network Vehicles Services (TNVS).

Kaya ngayong nagpataw ng suspensyon ang LTFRB, aralin na nilang mabuti kung ano ang nararapat na gawin.

Pero magbigay naman dapat ng sapat na panahon upang hindi na umasa ang iba pang operators ng Uber na napangakuan ng prangkisa na bibigyan pero malabo namang mangyari.

Sa panig naman ng Uber at sa iba pang TNCs dapat sumunod kayo sa ipinatutupad na batas para walang napeperwisyo.

Nauna rito ay sinuspinde ang operasyon ng Uber dahil sa umano’y pagsuway nito sa utos ng LTFRB na nagbabawal sa karagdagang akreditasyon ng TNVS.