Ilabas ang asim

Marou Pahati Sarne

Beinte tres años lang ako nang mag-asawa. Nagsisimula pa lang sa karera sa broadcast media, at noon ay Assistant News Director sa istasyon ng radyo.

Sa edad na beinte kuatro, isa na akong ina. Napilitan akong magbitiw sa pinaglilingkuran kong istasyon dahil madalas akong lumiliban bunga ng walang mag-aalaga sa aking anak na madalas ay mayroong sakit.

Pinili kong maging “stay-at-home mom” sa loob ng tatlong taon. Sa panahong wala pang social media, ang tanging libangan ko noong mga unang taon ng 1990s ay manood ng Mara Clara tuwing hapon, balita sa gabi, at magbasa ng Time at Newsweek na iniu-uwi ng asawa ko. Nang wala na akong mabasa, kahit telephone directory, lalo na ang Yellow Pages, ay binabasa ko na.

Lumaki namang matalino at mabait ang a-king anak, pero bilang isang dating career wo-man, hinanap ko rin ang pagta-trabaho. Ako siguro ang isa sa mga unang nag-“work from home” nang maging “ghost writer” ako para sa radyo at telebisyon. Ibinili ako ng asawa ko ng typewriter at siya ang personal na nagsusumite ng mga gawa ko.

Subalit iba talaga ang personal kang nagtatrabaho sa isang opisina – iba’t ibang tao ang iyong nakakasalamuha, nadadagdagan ang iyong kaalaman, at nagkakaroon din ng mga dagdag na oportunidad dahil nakikita ng lahat ang iyong talino at kakayahan.

Nang bumalik ako sa dati kong pinaglilingkuran, hindi na nila ako matanggap bilang ordinaryong empleyado dahil nagbitiw na ako. Kinuha nila ako upang maging talent/news reader. Ang pakiramdam ko noong una ay sumasama lang ako sa agos.

Ang akala ko ay wala nang kabuluhan ang aking pagiging media. Nasanay ako noon na nasa gitna ng aksyon, tagasulat at tagapaghatid ng balita at taga-kontrol sa mga reporters na nagpapasok ng balita.

Pero nang mabigyan ako ng programa, doon ko natagpuan ang aking “asim.” May kabuluhan pa pala ang pagbabalik ko sa media.

Hindi nawawala ang ating “asim” – ang ating kakayahan at kabuluhan – kahit na nawawala tayo sa ating “comfort zone” o nagbabago ang takbo ng ating buhay. Kahit ang edad ay hindi hadlang para muli nating matagpuan ang ating sarili. Ilabas na ang asim!

***
Si Marou Pahati Sarne ay isang anchor sa Dwiz 882 KHZ AM. Dalawang beses siyang nakatanggap ng KBP Golden Dove Award for Best Radio Ma-gazine Program Host.