Gaya ng tumitindi pang kampanya laban sa multi-bilyong negosyo sa droga at dangan naman ay mismong si Philippine National Police (PNP) Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa na ang nagsasabi na sa loob ng 15 araw ay matitigil na ang jueteng, ilabas na rin ang matrix ng mga personalidad na nasa likod ng multi-bilyong illegal gambling operation sa bansa.

Ang bantang pagsi­sibakin ni Bato ang mga opisyal ng PNP sa rehiyon, probinsiya, siyudad at munisipyo kapag hindi matigil ang jueteng, virtual 2, masiao, swertres, at lahat ng klase ng ilegal na sugal ay puwedeng mangyari ‘yan.

Pero ang banta ay banta, iba naman ang sa gawa. At mas lalong kakaiba ang sitwasyong lantaran na nga at tuloy pa rin ang ilegal at pagtanggap ng jueteng payola pero walang sibakang nangyayari. Maraming dahilan, maraming rason, maraming ekstensyon na panahon na puwedeng hingiin.

Kaya kung may matrix ang multi-bilyong negosyo ng droga ay malamang may matrix din ang multi-bilyong negosoyo ng ilegal na sugal.

Sino ang maglalabas ng matrix ng illegal gambling operation sa bansa, si Digong o si Bato? Ilabas na ‘yan!

Talamak pa rin ang jueteng, virtual 2, masiao, swertres at iba pang ilegal na sugal. Sabi ni Bato, pati nga Small Town Lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay ginagawa ding front ng jueteng. Hindi naman ito ipinagkakaila ni PCSO General Manager Alexander ‘Mandirigma’ Balutan at PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz. Pakiusap ni Bato sa PCSO, pulisin niyo rin ang inyong Authorized Agent Corporation (AAC), ito ang mga STL agent na inaprubahan at nabigyan ng otorisasyon ng PCSO, na nagbo-bookies.

Ibigay naman natin ngayon ang baraha sa PCSO kung aaksyon din ba ito laban sa mga suwail nitong AAC o STL players na umano’y nagbo-bookies.

Sa impormasyong nakalap ng aking pasa-bilis, nangyari pala ang harapan nina Bato, Mandirigma at Corpuz noong Miyerkules ng nakaraang linggo. Hindi ko na kailangang magbigay pa ng detalye dahil lumalabas naman na sa media ang mga detalye ng kanilang napag-usapan.

Unang pumutok ang usaping 15 araw na ultimatum ni Bato kontra jueteng sa aking kolum sa warZone sa Abante na sinundan din ng isang news story sa naturang dyaryo. Noong Lunes, bumuga na si Bato.

Ang simpleng sagot ni Mandirigma sa laban kontra jueteng, seryosohin ang all-out war vs illegal gambling ni Digong.

2 Responses

  1. Baka wala ng matitirang politiko at matataas na opisyal ng kapulisan kapag tapatang tututukan ang illegal na jueteng. Ito na ang umpisa ng pagdedeklara ng Martial Law sa buong bansa. Kaya lang namamayagpag ang jueteng at ibang illegal na sugal ay dahil protektado ito ng mga matataas na politiko at opisyal ng kapulisan.