Hindi nasindak si Eljay Marco Vista ng host Ilagan City sa kanyang mga nakatunggali kaya nasilo ang gold medal sa Cadet Male Poomsae Individual sa Day 1 ng Luzon qualifying leg ng Philippine Sports Commission-Batang Pinoy sa San Felipe National High School sa lungsod na ito.

Hindi inaasahan ni Vista, 12, na masisikwat ang medalyang ginto dahil kalaban niya ang gold medalist ng Pa­larong Pambansa. Pero ginawa niya ang lahat upang makuha ang inaasam na tagumpay.

“Hindi ko in-expect na mag-gold dahil may kalaban akong nag-gold sa Palarong Pambansa.” Maluha-luhang saad ng Ilagan South Central School grade na si Vista. “Nilabas ko lahat ng makakaya ko.”

Sa ipinakitang tikas ni Vista nabigyan siya ng 7.670 points sa 13-and-below event habang ang sinasabi niyang mahigpit na kalaban na si Kacey Canlas ng Olongapo City na nagkasya sa silver ay may 7.600, bronze medal ang ikinuwintas ni Wreily Canao ng powerhouse Baguio City sa 7.465.

Ayon pa kay Vista, nahilig siya sa nasabing sport nang may nagpunta sa kanilang lugar na national player, hina­ngaan niya kaya tumatak sa kanyang isipan na gagayahin ang kanyang iniidolo.
Ang nasabing labanan ng mga batang atleta mula sa in at out-of-school youth na edad 15-anyos pababa ay inorganisa ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni chairman William ‘Butch’ Ramirez.(Elech Dawa)