Sinuspinde nakaraang linggo ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng Anti-Distracted Driving Law (ADDA) na naging malaking isyu sa mga motorista.

Malinaw na hindi pa man kasi naipapatupad ang ADDA ay sobra na agad ang saklaw ng batas na ito.

Unang-una isinulong ang batas ayon mismo sa isa sa nag-akda na si Senador JV Ejercito na intensyon lamang po pala ng mga gumawa ng batas na ito ay ipagbawal ang paggamit ng cell phone habang nagmamaneho.

Para kasi maging epektibo ang isang batas dapat ay nakatuon ito sa tunay na layunin pero dapat ding tingnan ang pagiging epektibo nito.

Dapat ding malinaw, makatotohanan at higit sa lahat ay may katuturan.

Dapat din po itong consistent at hindi pabagu-bago ang pagpapatupad nito.

Masyado na ka­sing nag-overacting ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa implementasyon ng nasabing batas kaya ang resulta imbes na mapakinabangan agad at magbenepisyo sa publiko ay naharang.

Ang isa pang pinakamatinding argumento sa usaping ito ay ang pagba-ban din sa paglalagay ng rosaryo.

Ang ating katanu­ngan — distracted dri­ving ba talaga ang dapat natin pagbuhusan ng atensyon? Sa pananaw ko po kasi, kumbaga sa katawan ng tao, ang distracted driving po ay sintomas lamang ng isang mas malala na sakit.

At ang sakit na ito ay ang kawalan ng disiplina nating mga Pilipino.

Sana ay tutukan din ng ating pamahalaan ang kawalang disiplinang ito at magkaroon tayo ng mga long-term na solusyon para dito.

Dahil kung magagamot natin ito, magagamot din natin ang mga sintomas na resulta ng buhol-buhol na trapik at iba pang mga problemang mismong tayo-tayo rin ang lumikha.