Ilang katanungan sa community quarantine

Nag-iwan ng katanungan sa publiko ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa ipa­tutupad na community quarantine (ang sabi ng karamihan ay lockdown) simula Marso 15 hanggang Abril 15.

Ang pagpapatupad ng community qua­rantine sa buong Metro Manila ay kasabay na rin ng pagtaas sa Code Red Sub-level 2 sa bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pangunahing umangal dito ang mga non-Metro ­Manila resident mula sa Laguna, Cavite, Rizal, Bulacan pati na rin ang mga taga-Pampanga na nagtatrabaho sa Natio­nal Capital Region (NCR).

Isa na ako diyan dahil ako’y halos araw-araw na nagbibiyahe pa-Maynila para makapag-report sa aking trabaho.

Sabi nga ni DILG Secretary Eduardo Año, magpakita lang ng ID o proof na natatrabaho ka sa ­Metro Manila ay papayagan ka nang makalusot sa checkpoint na gagawin ng mga ­awtoridad.

Kaya lang, sa halos apat na milyong non-Metro Manila resident na nagtatrabaho sa Metro Manila, ang tanong ay ganito – hindi kaya ma-late sa trabaho ang katulad naming manggagawa na ga­ling sa probinsya dahil sa dami ng tao na haharangin at uusisain ng mga awto­ridad sa checkpoint?

Kung nakasakay ka sa private vehicle madali sigurong ma-check ito dahil isa, dalawa o higit pa ang laman nito. Pero paano kung nag-commute ka, sumakay ka ng bus? Hindi ba’t iisa-isahin ang mga sakay nito? Kung ganoon nga ang mangyayari, aba’y matagal ngang matatapos ang checkpoint at mala­mang ma-late ang ilan sa pagpasok.

Libong mga private vehicle at mga passenger jeepney, UV Express at bus ang dumadaan sa NLEX at SLEX kaya malamang kakain ng oras bago makalusot sa checkpoint na gagawin ng ating military at pulis ang mga taga-probinsya.

Ang hindi malinaw, kailangan bang bumaba ng pasahero sa bus o jeep o mismong ang mga pulis at sundalo ang aak­yat sa sasakyan para tingnan ang kanilang mga ID?

Isa pa lang ‘yan sa mga reklamo, marami pang iba. ­Paano naman ang food ­supply? Ang entry at exit ng mga truck na nagdadala ng pagkain at iba pang supply papasok at palabas ng Metro Manila, sa wet market, supermarket at iba pang ­retail market?

Anong mangyayari sa pagdating ng mga semi-perishable at perishable goods? Sila ba’y ­exempted sa lockdown na ito? Medyo nakulangan ang de­talye tungkol din dito.

Kinikilala naman natin ang pagsisikap na ito ng gobyerno para matugunan ang health crisis. Pero dapat nga lang magkaroon ng clear-cut guidelines para hindi magkaroon ng kalituhan sa publiko.

Sabi nga ni ­Senadora Grace Poe, dapat tiyakin ng mga concerned agency na itong community quarantine na ito sa Metro Manila ay hindi rin makakaapekto sa mga public utility service.

Siyempre, siguruhin ng pamahalaan na sapat ang suplay ng malinis na tubig, pagkain, tamang impormasyon sa COVID-19 at epektibong komunikasyon at transportasyon.

Pero sa huli, kinakailangan ang kooperasyon ng ­lahat. Bilang isang bansa na dumaan na sa maraming pagsu­bok, napatunayan na sa ating pagkakaisa at kooperasyon, kaya nating malampasan ang krisis.

Lord, Kayo na po ang bahala.