Uupuan ngayon ng PBA ang trade sa pagitan ng TNT KaTropa, Blackwater at NLEX.

Hindi tinanguan ng liga ang unang palitan na magdadala sana kay Poy Erram mula Elite patungong Road Warriors kapalit nina first round picks Paul Desiderio at Abu Tratter.

Pumasok sa eksena ang KaTropa, ipinain si big man Papot Paredes sa Blackwater kapalit ng 2021 second-round pick ng Elite.

Kasama na si Paredes ni Erram na ibibigay ng Blackwater sa NLEX kapalit nina Michael Miranda, Desiderio at Tratter. Ipapadala naman pagkatapos ng Elite si Miranda sa TNT.

Sa ilalim ni coach Yeng Guiao, nahasa ang 3-point shooting ni Miranda sa NLEX bukod sa dati na nitong tibay sa depensa.

Rerebisahin ng four-man committee ang mga trade paper nga­yong araw bago ang approval ni Commissioner Willie Marcial. (Vladi Eduarte)