Ilang pasilidad sa SEAG pinuri

Ilang pasilidad sa SEAG pinuri

Sa kabila ng mga aberya at kontrobersiya, naitala ang natapos na 30th Southeast Asian Games Philippines 2019 nitong Miyerkoles ng gabi sa NCC Athletics Stadium sa Capas Tarlac, na isa sa mga matagumpay at magarang paligsahan sa rehiyon.

Nabasa sa mga pahayagan at socmed, napanood sa mga telebisyon, at narinig sa radyo ang mabuti sa pakiramdam na mga istorya sa 530 events ng 56 sport sa 11-nation, 12-day bienniel meet. Pinag-usapan ng mga sports fan, kabilang ang kabayanihan ni surfer Roger Casugay at makasaysayang pagsilat ng PH 6 sa mapuwersang Thailand sa men’s indoor volleyball.

Ang playing venues na nagsilbing pangunahing saksi sa kapa­na-panabik na mga laro na tinampukan ng galing at tapang ng may 5,000 mga atleta, at isa pang pinagkunan ng karangalan ng milyong Pinoy na mahilig sa sports.

Isa rito ang Miguel Romero Polo Field na Calatagan, Batangas na siguradong ‘di makakaligtaan ng Brunei lalo’t dito nagwagi sa polo 0-2 goals division laban sa Malaysia.

Bukod sa nakamit ng medalyang ginto, nabighani ang mga may dugong bughaw na si Prince Jefri Bolkiah at anak na si Prince Bahar, at mga anak ni Sultan Hassanal Bolkian na sina Princess Azemah at Prince Mateen – sa nasabing world-class playing facility.

Gaya nila, pinuri ng mga opisyal ng Indonesia at Malaysia, ang Miguel Romero Field. Anila mahihirapang basta pantayan ito dahil sa kakumpletuhan ng pasilidad.

Sa panig ng bansa, naka-bronze sa nasabing event sina Tonio Veloso, Noel Vecinal, Jam Eusebio, Santi Juban, Julian Garcia, Franchesca Eusebio at coach Anthony Garcia. At aminado si Rep. Mikee Romero na kinapos sila pero ang mga papuri sa venue ang magpapapursige sa kanila sa susunod na pagkakataon.