Ildefonso, Gilas Youth tinambakan ang China

Hindi matatapos ang kampanya ng Gilas Youth na walang panalo.

Sa pagharap sa kapwa Asian po-werhouse, pinatunayan ng bataan ni PH Youth head coach Sandy Arespacochaga na angat sila sa China sa pagsungkit ng 86-72 win sa classification phase ng 2019 FIBA Under-19 World Cup Sabado sa Heraklion University Sports Hall sa Greece.

Limitado lang ang naging playing time ng 7-foot-2 wunderkid na si Kai Sotto, ngunit sapat na ang manpower ng Gilas Youth para pataubin ang mahigpit na karibal sa rehiyon.

Sa first half ay tila nagsusukatan pa ng lakas ang dalawa, lamang lang ng apat ang Gilas, 37-41, ngunit biglang arangkada pagpasok ng third quarter.

Nagsimula nang lumayo ang Gilas sa third canto sa pangunguna ng NU Bulldogs forward na si Sean Dave Ildefonso, 12 puntos ang ginawa sa breakaway quarter kung saan 31 points ang binuhos ng PH squad kontra sa 20 ng China.

Napanatili na ng Gilas ang abante, sa final canto ay umabot pa ang lamang sa 16, 77-61, at hindi na muling nakabangon pa ang China.

Bagama’t limang puntos lang ang ginawa ni Sotto ay naging malaki ang impact ng second-string big man na si Carl Tamayo, nagbigkis ng 20 markers at anim na boards, samantalang si Ildefonso naman ang nagbida sa 21 points, seven assists at six rebounds.

Ito ang unang panalo ng Gilas sa torneo matapos mabigo sa Greece, Argentina, Russia, Serbia at Australia, aabangan kung sino ang mananalo sa pagitan ng New Zealand at Senegal para sa battle for 13th place. (Ray Mark Patriarca)