Ilibre ang serbisyo

Bitin ang emergency hotline ng gobyerno dahil sa panini­ngil sa tawag ng mga nagrereklamo sa 911 at 8888.

Ito ang nakitang senaryo ng Civil Service Commission (CSC) sa unang araw ng paglulunsad sa national emergency 911 at citizen complaint hotline 8888.

Ayon mismo kay CSC Chairperson Alicia Bala, ilang tawag na natatanggap ng mga call center agent ng 911 at 8888 ang biglang nawawala at napuputol at isa sa nakikitang dahilan ay naubusan ng load sa kanilang mga mobile phone.

May problema nga kung ganito ang nangyayari sa tawag ng ating mga kababayan sa mga inilunsad na emergency hotline.

Sayang ang magandang hangarin ng ating gobyerno na matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan kung may ganitong senaryo.

Kaya para sa amin para ma­ging kapaki-pakinabang ang inilunsad na programang ito ng gobyerno ay ilibre dapat ang serbisyo.

Hindi dapat maningil ang telecomunication companies sa national emergency 911 at citizen complaint hotline 8888 dahil taliwas ito sa pagseserbisyong nais ihatid ng gobyernong Duterte.

Sa ganang amin, wala dapat sinisingil ni singko sa mga subs­criber sa pagtawag sa mga hotline number ng gobyerno dahil ito ay bahagi ng serbisyo publiko kaya dapat ito ay libre.