Naghahahanda na ang Energy Regulatory Commission (ERC) na basbasan ang bill deposit na ilan buwan nang naipatupad ng Manila Electric Company (Meralco) na minamay-ari ng negosyanteng si Manny V. Pangilinan.

Ayon sa draft rules ng ERC, nasa guidelines na inisyu nito noong October 27, 2004 ang patakaran kung paano gagawin ang pagkolekta ng bill deposit mula sa mga residential at nonresidential customer ng distribution unit tulad ng Meralco.

Sabi pa ng draft ng ERC, ang pagkolekta ng bill deposit ay pinayagan na ng Board of Power and Waterworks at ng Energy Regulatory Board noon pa.

Sinimulan na ng ERC ang focus group discussion sa draft rules tungkol sa proseso ng monitoring at reporting ng bill deposits sa Pasig noong isang linggo at nagtakda na rin ito ng focus group discussion sa Miyerkoles sa Baguio City.

Ang focus group discussion ay kaiba sa public hearing na mas pormal at kung saan obligado ang pamahalaan na dinggin ang damdamin ng publiko sa isang isyu.

Ang bill deposit ay siningil na ng Meralco sa mga customer ngayong taon at katumbas nito ang isang buwang konsumo para may katiyakan na makakasingil ito sa consumer. Maari itong tumaas o maibalik depende sa nakonsumong kuryente sa isang buwan.