Tipid ang ngiti ni Eric Shauwn Cray ilang sandali pagkatapos ng men’s 100-meter race Martes ng gabi, pero hindi naitago ang emosyon matapos agawan ng titulo bilang Southeast Asia’s fastest man ni hometown bet Khairul Hafiz Jantan.
“Oh yeah, I was definitely tired,” bulalas ni Cray.
Isang oras bago kumarera sa century dash, humarurot pa si Cray sa men’s 400-m hurdles finals. Ga-buhok niyang napanatili ang titulo nang ungusan si Vietnamese Quach Cong Lich sa finish.
Pero hindi nangilag si Cray kay Jantan, kahit nasa likod ng Malaysian ang 20,000 crowd na nagsiksikan sa 87,000-capacity National Stadium sa KL Sports City.
Neck-and-neck sila sa umpisa hanggang final 2 meters bago umalagwa ng isang step lang ang Malaysian. Halos masubsob si Jantan matapos unang tawirin ang tape sa 10.38 seconds.
“I gave it all I had but he ran a good race,” papuri pa ng Fil-Am sa karibal.
Bukod sa magkasunod na takbo sa 400 at 100, nanakit ang buong katawan ni Cray dahil sa mga naunang karera sa heats ng events: “I’m taped everywhere from my lower back all the way down.”
Determinado si Cray na babawi sa men’s 4×100 relays sa Biyernes.
“I got something for them (Filipinos). I’ll recover, come back and we’re gonna chase that gold in the 4×100,” giit niya.
May mensahe rin siya kay Jantan, hindi pa tapos ang serye nila lalo’t sa Manila ang 30th SEA Games sa 2019.
“I’ll definitely be back for the 100 in Manila,” giit ni Cray.