Ito na naman tayo, ang nagkakaisang sinabi ng maraming tao sa karera tungkol sa binanggit noong isang araw ni PNP chief ‘Bato’ dela Rosa hinggil sa muli nilang operasyon sa illegal gambling.
Ilang beses na bang napag-usapan yan ng mga nakaraang namuno sa Philippine National Police pero saan napunta at ano ang naging resulta?
Tignan na lang natin ang industriya ng karera. Bukod sa punumpuno ng regulasyon sa ngayon, ito ay biktima rin ng mga nagkalat na illegal bookies.
Dahil ang konsentrasyon nito ay halos dito rin lang sa Kamaynilaan at Luzon areas, sobrang namamayagpag ang illegal bookies na kumakalaban sa taya na pumapasok sa halos 300 off-track betting stations (OTBs).
Kung bumebenta ng halos P20-million sa isang gabi ang isang karerahan sa night-racing, tinatayang halos ganito o mahigit pa ang pumapasok na benta sa illegal bookies na nagkalat sa Kamaynilaan at karatig-pook.
Kaya imbes na makatulong sa industrya, pati pamahalaan ay naaapektuhan kung pag-uusapan ay benta at taxes.
At bakit malalakas ang loob ng mga nag-o-operate ng mga illegal bookies? Nariyan kasi ang mga maykapangyarihan na imbes na hulihin at patigilin ang illegal operation ng mga ito ay siya pang pumuprotekta sa kanila dahil sa kinukuhang “intelihensya!”
Kung sino man ang magsasabi mula sa PNP na hindi nila alam ito, aba … “Tell that to the Marines!”