Illegal bus terminal buwagin, now na!

for-the-record-jen-box jeany lacorte

Lumagda ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) at pamahalaang Lungsod ng Quezon sa isang Memorandum Of Agreement (MOA) hinggil sa pagbuwag sa mga illegal terminal at ko­lorum buses sa Quezon City.

Ang pagbuwag sa mga illegal bus terminal ay napagkasunduang ipa­tupad dahil nakakadagdag ang mga ito sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lungsod.

Katulad na lamang sa bahagi ng Cubao napakaraming nagsulputang mga illegal bus terminal dito kaya naman ganun na lamang kabigat ang daloy ng trapiko dahil nagsisisiksikan ang bus sa nasabing lugar.

Maging sa bahagi ng Quirino Highway sa Quezon City ay naglipana ang mga illegal bus terminal.

Ang matindi pa sa mga illegal bus terminal na ito ay nakapuwesto malapit sa mga palengke kung saan ay madalas bulto ang tao.

Kaya sana ay madaliin na ng MMDA, LTFRB at QC government ang pagwawalis sa mga illegal bus terminal sa lungsod dahil isa ito sa pangunahing sanhi ng mabigat na daloy ng trapiko sa lungsod.

Seryoso sana ang pagbuwag na gagawin ng nasabing mga ahensiya ng gobyerno dahil sayang naman ang nilagdaan nilang kasunduan kung puro porma lamang sila.

Sa totoo lang sandamakmak talaga ang mga bus terminals sa lungsod na sa hindi natin ma­lamang kadahilanan ay kung bakit nabibigyan ng prangkisa ng LTFRB na magkaroon ng mara­ming bus gayong napakaliit naman ng kanilang mga inuupahang mga garahe.

Kaya tuloy ang mga motorista ang nagsasakripisyo dahil pati mga kalsada ay ginagawang­ garahe ng mga bus sa Lungsod ng Quezon.

Hamon natin sa MMDA, LTFRB at QC government gawin ninyo ang inspeksyon sa gabi ‘yun bang tipong nakagarahe na ang mga bus dahil mabubulaga kayo sa napakaraming mga bus diyan sa bahagi ng Quirino Highway at sa Regalado Avenue ang nakaparada.

Hindi lang basta nakaparada dahil ginagawa na rin sa gilid ng kalsada ang paglilinis o paghuhugas ng mga bus.

Kaya madalas ay naaksidente ang ilang motorista dahil nabubulaga ng mga bus na nakaparada sa kalsada.

Nakakapagtaka pa na ilan sa bus terminal ay matatagpuan malapit sa mga presinto ng pulisya pero tila bulag ang mga ito na walang nakikitang paglabag na ginagawa ang mga bus companies.

Well maaring ang palusot ng mga pulis,hindi nila trabaho na manita ng ganitong paglabag. Kaya tama lamang na wa­lisin na ang lahat ng mga ito dahil masakit sa mata ay masakit pa sa ulo dahil sa nililikha nilang dagdag problema sa trapiko.