Sinimulan na kahapon ng mga ahensiya ng gobyerno na bumubuo sa ‘Task Force Baklas’ ang pag-aalis ng mga iligal na campaign propaganda material sa ilang mga lugar sa Metro Manila.

Pinangunahan nina Commission on Elections Spokesperson James Jimenez; Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim; MMDA General Manager Jojo Garcia; Philippine National Police Chief Gen. Oscar Albayalde; National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Gen. Guillermo Eleazar; Department of Public Works and Highways – NCR Maintenance Division OIC Engr. Reynaldo Rosario; at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra ang operasyon.

Sinabi ni Jimenez na ang mga kandidatong lumabag sa patakaran sa pagla­lagay ng mga campaign poster ay binigyan ng notice bago isinagawa ang operasyon.

Aniya, bahagi ng operasyon ang documentation at preservation ng mga nakuhang campaign material na gagamitin sa pagsasampa ng reklamo sa mga luma­bag na kandidato.

Ayon naman kay MMDA Chairman Danilo Lim, tuloy-tuloy ang gagawing pagbabaklas ng mga MMDA personnel sa mga iligal na election material sa mga pangunahing kalsada.

“Umaasa ako na boluntaryo nang tatanggalin ng mga kandidato ang kanilang mga campaign materials at hindi na hintayin ang TF Baklas na alisin ang mga ito,” ani Lim.