Kaye Dacer
Natinag din ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga ulat na may mga hindi dokumentadong Intsik na mga manggagawa ang nakakalat ngayon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaya naman hinikayat ni Labor Secretary Silvestre Silvestre Bello III ang publiko na isumbong sa kanila ang mga ganitong ulat upang agad nila itong maaksyunan.
Gayunman ay nilinaw ng kalihim na hindi lamang mga Chinese national ang kanilang target, kundi maging ang ibang dayuhan, tulad ng mga Koreano at mga mula sa Gitnang Silangan na nasa Pilipinas.
Unang-una, ayon sa DOLE, prayoridad diumano ng gobyerno na mabigyan ng trabaho ang mga Pinoy kaysa sa mga dayuhan.
Hindi nga Secretary Bello, eh ano po ang masasabi niyo sa mga nagkalat na mga manggagawang Intsik na nagtatrabaho diyan sa may tulay sa Ilog Pasig na sakop ng Plaza Mexico sa Intramuros?
Exempted ba ang mga Chinese na ito sa inyong kautusan?
Nakakagalit kasing makita na napakarami nating kababayan ang walang trabaho pero itong mga dayuhan ay nabibigyan pa ng oportunidad na magtrabaho.
Dahil ba sa kanila manggagaling ang pondong gagamitin sa proyekto diyan?
Huwag naman sanang ganyan. Kahit sa kanila galing ang pondo, ibigaay pa rin sa kababayan nating salat sa trabaho ang oportunidad.
Huwag niyo ipagkait sa ating kababayan ang pagkakataong magkaroon ng kayod sa pamamagitan ng mga inilulunsad na proyekto ng gobyernong Duterte.