Illegal hospital ng Chinese COVID-19 positive buking sa Pampanga

Sinalakay ng mga awtoridad ang isang iligal na ospital at pharmacy sa Pampanga na nag-aalaga diumano ng mga pasyenteng Chinese national na may COVID-19.

Suot ang mga personal protective equipment, ni-raid ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP -CIDG) ang dating villa na ginawang medical facility. Tumambad sa kanila ang mga gamit nang medical equipment na tila hindi maayos ang paraan ng pagtapon.

Kasya umano sa pasilidad ang 7 hospital bed, para sa mga Chinese national na pasyente na positibo sa virus. Gayunman, wala itong permit galing sa Department of Health at Inter Agency Task Force.

Sa isang panayam kay P/BGen. Rhoderick Armamento, deputy director for administration ng CIDG, sinabi niyang hahanapin ang mga nagpositibong pasyente na dinala sa pasilidad dahil posibleng patuloy silang nanghahawa ng virus sa pag-aakala na napagaling sila sa ospital.

Nasamsam din ng CIDG ang iba’t ibang gamot na ginagamit umano para sa pasyente ng COVID-19. May Chinese label ang mga ito at pawang mga hindi nakarehistro sa Food and Drug Administration.

Naabutan din sa pasilidad ang isang pasyente na umano’y may COVID-19 at inilipat na sa ospital. Arestado naman ang administrator at pharmacy sa pasilidad.

Inihahanda na ang kasong isasampa sa mga suspek habang inaalam rin ang mga nasa likod ng operasyon nito.