Natimbog ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 31 Chinese national sa aktong nag-o-operate ng illegal online gambling sa isang marangyang bahay sa Ayala Alabang Village sa Muntinlupa.

Nabatid na ang mga suspek ay naaresto kamakalawa ng NBI-Rizal at nahaharap sa kasong paglabag sa Cyber Crime Prevention Act, anti-illegal gambling at Access Device Regulation Act sa Muntinlupa prosecutors office.

Inookupa ng mga suspek ang isang marangyang bahay sa may 3346 Apo St. kung saan naaktuhan sila sa kanilang iligal na aktibidad sa pamamagitan ng cellular phones at computers.

Nag-ugat ang operasyon ng NBI makaraang makatanggap ng impormasyon sa security management group ng village.

Nabatid na nagsagawa muna ng surveillance bago nag-apply ng search warrant sa Muntinlupa Regional Trial Court, Branch 203.

Nasa kustodiya na ng NBI ang mga suspek, cellular phones at computers.