Illegal recruiter ni Demafelis i-freezer din ­– OWWA

owwa

Sumabog ang galit ng isang opisyal ng Overseas Worker and Welfare Administration (OWWA) laban sa illegal recruiter na bumiktima sa Filipina domestic helper na pinatay ng kanyang amo sa Kuwai­t at itinago sa freezer sa loob ng isang taon.

“Mga hayop na iyan! Dapat ‘yan ang mga talagang dapat nilalagay sa freezer eh! Napaka­walang puso ng mga iyan,” diin ni Arnel Ignacio, Deputy Administrator ng OWWA.

Hindi na mahagilap ang recruiter ni Joanna Demafelis matapos pumutok ang balitang pinatay ito ng amo niyang Lebanese at iniwan sa freezer ng abandonadon­g apartment sa Kuwait.

Nagbigay naman ng payo si Ignacio sa mga Filipino na gustong ma­ngibang bansa na huwag papatol sa mga illegal recruiter dahil mahihirapan ang gobyerno sa pag-trace kapag may nangyaring masama sa kanila.

“Kailangang dumaan kayo sa tamang legal na ahensiya kasi ‘yung mga facilities ng gobyerno kailangang gamitin kasi napakahirap ma-trace sila,” paliwanag ni Ignacio.

“Hindi iyan parang isang hakbang lang eh mararating mo na at kunwari nanghihingi ng rescue hindi puwede ‘yung welfare officer namin na basta dumiretso dun kailangan niya makipag-coordinate pa sa pulis nila ang daming cheche bureche,” dagdag pa ng opisyal.

Matatandaan na natunton lang ang labi ni Demafelis nang pasukin ng mga pulis ang abandonadong apartment nitong Pebrero upang paalisin ang iba pang nakatira doon na ayaw umalis.

Dumating noong Sabado sa Iloilo ang bangkay ni Demafelis, at ayon kay Ignacio, parang isang bayani na binigyan ng pugay ang namatay na OFW.

“Kung makikita lang ninyo ngayon ‘yung kalye rito titindig ang balahibo mo eh at itong kahabaan nitong tinatahak namin punong-puno ng mga tao naghahagis sila ng confetti parang si Joanna ang naging simbulo ng sakripisyo ng ating mga OFW na pagkatagal-tagal na sinasabi lang nating bayani pero puro lang sa seremonyas eh,” ani Ignacio.

Hindi pa makumpirma kung dadalaw si Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte sa burol ni Demafelis sa Iloilo.