ILLEGAL VENDORS SUSUNUGIN ANG STALLS

Nagbigay ng ultimatum si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim sa lahat ng illegal vendors na susunugin na nila ang mga stalls upang hindi na ma­kabalik ang mga ito.

Ang kautusan ni Lim ay iniatas niya kay Chairperson Ma. Teresa Montalbo ng Barangay Bali­ngasa, Quezon City.

Kahapon, si Lim ang nanguna sa clearing ope­ration sa Balintawak Market kontra sa mga traffic obstruction kung saan isa-isang winasak ang mga stall ng mga illegal vendor, na isa sa dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.

Inatasan ni Lim ang barangay opisyal na sa susunod ay sunugin na lamang ang mga stalls ng illegal vendors para hindi na makabalik sa pagtitinda.

“Next time, ‘pag nakuha ‘yung mga stalls, ‘wag na ibalik ‘yang mga ‘yan, sunugin mo na ‘yan. Alangan naman babalik na lang kami dito araw-araw para gawin natin ‘yan [clearing ope­rations],” sinabi Lim kay Montalbo.

Nabatid na ang MMDA ang namamahala sa pagmamantina ng orderliness and cleanliness sa Metro Manila katuwang ang mga barangay.

Sakit ng ulo ng barangay ang mga illegal sidewalk vendor dahil sa matitigas ang ulo ng mga ito kahit alam nilang ba­wal magtinda sa mga sidewalk at sa mga lugar na daanan ng mga moto­rista at pedestrian.

Sinabi ni Lim na ang isinagawang clearing ­operation nila sa naturang lugar ay huli na dahil kapag muling naulit ang paglabag, kakastiguhin na nila ang mga opisyal ng barangay.