Matapos resbakan ni House Speaker Pantaleon­ ­Alvarez ang negosyo ng pamilya ni Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo, ang kaaway sa pulitika ­naman ni Majority Leader Rodolfo Fariñas ang pinag-initan ng mga lider ng Kamara.

Noong Mayo 29, ipinakulong ng house committee on good government and public accountability ang anim na empleyado ng Treasurer’s Office ng Ilocos Norte Provincial Government matapos silang i-contempt sa hindi umano pagsagot sa mga katanungan ni Fariñas hinggil sa P66.5-milyong tobacco funds na ipinambili ng sasakyan.

Base sa mga nakalap nating impormasyon, nakakaranas daw ng trauma ang anim na empleyado dahil sa parang itinuturing silang mga convicted criminals ng mga tauhan ng Sergeant-At-Arms ng Kamara. Mukhang may utos sa itaas para higpitan daw ang dalaw sa anim na empleyado.

Umiiyak na nga raw itong anim na empleyado, ­lima sa kanila ay kababaihan at isa lang ang lalaki, dahil hindi nila nakikita ang kanilang pamilya sa Ilocos Norte. ‘Pag dumalaw, binibigyan lang sila ng tatlong minuto para makausap ang kanilang pamilya.

Mantakin niyo ba namang nagbiyahe pa sila ng sampung oras tapos may tatlong minuto lang nilang makakausap ang kanilang pamilya. Tama ba naman ‘yun? Daig pa nito ang mga convicted criminals na maayos na nakakausap ang kanilang kaanak kapag dumadalaw sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.

Tinitingnan ng marami na political harassment ito para maipit ang pamilya Marcos, partikular si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos. Nanindigan na ang abogado ng kapitolyo na walang iregularidad at aboveboard ang bidding ng pagbili ng sasakyan.

Nag-file na ng petition para sa paglalabas ng writ of habeas corpus sa Court of Appeals ang abogado ng ­anim. Oras na ilabas ang writ of habeas corpus, uutusan ang Kamara na dalhin sa korte ang ­anim na ­empleyado ng Ilocos Norte. Ang korte ang magdedesis­yon kung ligal ang kanilang detensyon.

***

Lumabas ang hangin at yabang nitong si Socio-economic planning Secretary Ernesto Pernia matapos nitong maliitin ang kakayahan sa taxation ng mga ­senador at kongresista. Kung nagkataon na hindi­ pa siya kumpirmado ng Commission on Appointments (CA), malamang na matulad siya sa sinapit nina ­dating DFA Secretary Perfecto Yasay at DENR Secretary ­Gina Lopez na parehong ni-reject ng CA.

Hindi nagustuhan ni Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate committee on ways and means, ang tabas ng dila ni Pernia kung kaya’t nakapagbigay ng mabibigat na pahayag ang palaging kalmadong senador.

Kahit na nga si Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, umalma rin sa patutsada ni Pernia. Hindi ba alam ni Pernia na kahit nakapikit si Recto, masasagot ng senador ang mga numero sa tax reform measures na isinusulong ng administrasyong Duterte? Dati ring nagsilbing socio-economic planning secretary si Recto at director general ng National Economic Development Authority (NEDA).

Imbes na makiusap itong mga economic managers ni Pangulong Duterte, nagiging barumbado pa sila sa pakikitungo sa Senado. Hindi na tayo magtataka kung dumaan sa butas ng karayom ang tax reform measures ng gobyerno dahil na rin sa kayabangan ni Pernia.