Naglabas ng kautusan ang regional trial court para sa pag-aresto kay Cabugao, Ilocos Sur Mayor Josh Edward Cobangbang dahil sa umano’y koneksyon nito sa puwersahang pagsara sa isang beach resort na nagresulta sa pagka-trap ng 9 na katao nang dalawang araw.
Bukod kay Cobangbang, 19 na iba pa ang pinaaaresto ni Acting Presiding Judge Raphiel Alzate ng Cabugao RTC Branch 24 dahil sa kasong serious illegal detention at grave coercion, ayon sa dalawang warrant of arrest.
Kamakailan ay kinasuhan na ng Department of Justice si Cobangbang at iba pang lokal na government official at empleyado dahil sa pagkandado nito sa Cabugao Beach Resort kahit pa nasa loob pa nito ang operator ng resort na si Virginia Nicole Savellano-Ong, kasama ang 4-anyos na anak nito at pito pang staff noong Agosto 2017.
Nakalabas lamang si Ong, dalawang araw matapos ikandado ang resort nang pumunta ang abogado nito.