Magsasampa ng kaso ang Phili­ppine National Police (PNP) laban sa mag-amang Iloilo 1st District Congressman Oscar ‘Richard’ Garin Jr. at Guimbal, Iloilo Mayor Oscar Garin matapos bugbugin, disarmahan at dinuraan pa umano ang isang pulis kahapon nang madaling-araw.

Kinilala ang biktima na si PO3 Federico Macaya, nakatalaga sa Guimbal Municipal Police Station.

Base sa inisyal na ulat mula kay Police Regional Office 6 director Chief Supt. John Bulalacao, dakong alas-3:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Guimbal Public Plaza na matatagpuan sa Rizal Street ng nasabing bayan.

Napag-alaman na tinawag ng mag-amang Garin si Macaya at sa hindi pa mabatid na dahilan ay dinisarmahan ito, kinapkapan pagkatapos ay pinosasan habang tinututukan din ng baril.

Hindi pa umano nakuntento ang mag-ama at inumpisahang bugbugin ang biktima kahit na maraming tao ang nanonood sa kanilang ginagawa.

Ayon kay Bulalacao, sinampal at dinuraan pa ang biktimang pulis.

Wala aniyang maibigay na spot report ang hepe ng pulisya sa Guimbal kung kaya’t sinibak niya ito sa puwesto.

Sinabi ni Bulalacao na patong-patong na mga kaso ang kanilang isasampa laban sa mag-amang Garin kabilang dito ang physical injuries, alarm and scandal at direct assault against an agent of person in authority bukod pa sa kasong grave coercion laban kay Richard at grave threat naman kay Oscar.

Samantala, sa panayam ng himpilang DZMM sinabi ni Bulalacao na tumawag sa kanya si Congressman Garin at humingi na ng tawad sa nangyaring insidente.

Tinanggap naman umano niya ang paghingi ng tawad ng mambabatas pero wala siyang ibinigay na pangako na hindi magsasampa ng kaso ang biktimang pulis.

Base sa pahayag ni Bulalacao, nag-ugat ang pambubugbog kay PO3 Macaya sa isang insidente na nangyari noong Disyembre 22 na kinasasangkutan ng mambabatas at dalawa pang lalaki.

Aniya, nagalit ang kongresista kay PO3 Macaya nang hindi nito sinunod ang pagsasampa ng reklamo laban sa isang lalaki na nasangkot sa pamumukpok ng bote ng beer.

“Nagalit daw siya, sinuntok daw niya ‘yong police dahil di raw sila sinunod. Dahil gusto raw nilang masampahan ng kaso ‘yong suspek doon sa December 22 mauling incident,” pahayag ni Bulalacao sa panayam ng naturang himpilan..

Pero lumalabas aniya na kaya hindi sinunod ni PO3 Macaya ang pinagagawa sa kanya dahil tumanggi namang magsampa ng kaso ang biktima sa insidenteng nangyari noong Disyembre 22 dahil ayaw nitong malaman pa ng kanyang magulang ang pagkakasangkot sa gulo.

Nalaman din kay Bulalacao na inalisan na nila ng police escort ang mag-amang Garin at kanila na ring hihilingin na kanselahin ang awtoridad ni Mayor Garin sa mga pulis sa bayan nito.

Sinabi pa ni Bulalacao na aarestuhin nila ang mag-amang Garin sakaling maglabas ng warrant of arrest sa isasampang kaso laban sa mga ito. (Edwin Balasa)