Arestado ang isang lalaki matapos saksakin at masugatan nang malubha ang pinsang magsa­saka dahil umano sa alitan sa bote ng alak sa Brgy. San Isidro, Pasuquin, Ilocos Norte noong Martes.

Nakapiit na ngayon sa Pasuquin Police ­Station ang suspek na si Ferdinand Batuyong ­matapos saksakin sa dibdib at balikat ang pinsang si Melchor Savalla, 52.

Sa imbestigasyon, dumalo sa pagsasalo ang dalawa nang nagkainitan dahil sa umano’y pagkawala ng bote ng alak na dala ng biktima.

“Umiinom iyong suspek nang dumating iyong biktima, at hinahanap niya iyong binili ­niyang bote ng alak na lumalabas na pinamigay ng ­suspek sa mga barkada niya,” ani PO1 Alexon Rosal, ­imbestigador ng Pasuquin Police.

Agad naaresto ang suspek na nahaharap sa ­kasong frustrated homicide.