Nagtungo sa Amerika at nang bumalik sa Pilipinas ay dala pa rin ang pagkahilig sa chess ni International Master Angelo Young.

Kaya naman nais ni 8-time Illinois, USA chess champion Young na magsagawa ng chess tournaments.

Halos 27 taon nanirahan sa Tate si Young, ngayon ay residente na ng Marilao, Bulacan, nais niyang gawing mukha ng kanyang chess tournament si incumbent Bulacan Vice Go­vernor Daniel Fernando.

Naniniwala si Young, founder ng pamosong Touch Move Chess Club sa Chicago, na malaki ang maitutulong ni Fernando sa sport kaya inimbitahan din niya itong maging guest speaker sa kanyang chess tournament na tutulak sa susunod na buwan.

“Kailangan ng pinakamamahal nating probinsiya na Bulacan ang kagaya ni Hon. Daniel Fernando na malaki ang pagmamalasakit sa mga kabataan at sa mga atleta,” ani Young. “Marami na siyang napatunayan sa pagsisilbi sa bayan kaya lalong umaasenso ang probinsiya ng Bulacan.”

Ang mga ilalarga ay Open rapid chess championships, executive event at media chess event, may mga prize din na nakalaan sa mga kabataan at sa mangu­ngunang manlalaro mula sa Bulacan na kinabibilangan ng 21 munisipalidad.

Ayon pa kay former Philippine junior champion Young, sinimulan na nito ang pagtuturo ng chess sa Marilao sa bagong tatag na Young Chess Academy.

Kasama sa mga i­nimbitahan sina International billiards/snooker champion Marlon Manalo ng Patrol Partylist at Asia’s first chess grandmaster Eugenio ‘Eugene’ Torre. (Elech Dawa)