Nang lumipat ang pamilya Magbanua ng kanilang tirahan sa KNAI (Kamanglalakbay Neighborhood Association Inc.) San Vicente Ferrer, Barangay 178, Sitio II, Camarin, Caloocan City, magkatuwang pa rin sina Lito at Imelda sa paghahanap ng maayos na pagkakakitaan upang maipagpatuloy ng kanilang mga anak ang kanilang pag-aaral.
Dahil maayos namang makisama sa kanilang barangay si Mang Lito, kinuha ng kanilang barangay chairman ang kanyang serbisyo upang magsilbing barangay tanod habang tumatanggap naman ng labada ang kanyang asawang si Imelda bilang pandagdag sa kita ng pamilya.
Ang kanilang panganay na anak na si Rhenzie naman ay nakakadiskarte rin kahit papaano upang makatulong sa pamilya habang ang panganay namang babae na si Rhona Mae ay tumutulong din sa ina at sa gawaing bahay lalu na kapag wala silang klase.
Kinakitaan si Rhona Mae ng katalinuhan at kasipagan sa pag-aaral kaya’t kahit salat sa buhay ay pinipilit ng mag-asawang Lito at Imelda na maigapang ang kanyang edukasyon sa paniwalang ito lamang ang kanilang maipamamana sa kanilang mga anak.
Nang magtapos sa Camarin High School si Rhona Mae, kumuha siya ng entrance examination sa University of Caloocan City at dahil may angking talino, hindi naging mahirap para sa kanya na ipasa ang pagsusulit.
Habang nagsusumikap si Rhona Mae na makatapos ng pag-aaral, ang kanya namang kapatid na panganay na si Rhenzie, na bagama’t nagsisikap na makatulong sa pamilya, ay nagsisimula namang mabarkada sa mga kalalakihang hindi niya lubusang kilala ang mga pagkatao.
Taong 2015 nang makaranas ng matinding dagok ang pamilya Magbanua nang ma-stroke si Mang Lito at maratay nang matagal sa pagamutan.
Sa kabila ng kanilang kahirapan, hindi sumuko si Aling Imelda at mga anak at hindi sila nawalan ng pag-asa na mabubuhay at makakapiling pa nila nang matagal ang ama.
Hindi naman nabigo ang pag-asa ni Aling Imelda at mga anak dahil kahit papaano ay nagkaroon ng bahagyang pagbabago ang kalusugan ni Mang Lito na bagama’t naapektuhan ang kalahating katawan ay pilit naman niyang nilalabanan ang karamdaman.
Nang lumabas ng pagamutan si Mang Lito makaraang payagan ng mga doktor na sa bahay na lang ipagpatuloy ang pagpapagaling, matiyaga siyang inalagaan ng kanyang asawang si Imelda, pati na ang anak na si Rhona Mae na labis na naapektuhan sa pagkakaroon ng matinding karamdaman ng ama.
Hindi maikakaila ang labis na pagmamahal ni Rhona Mae sa ama na pinatunayan sa mga ipino-post niya sa social media sa pamamagitan ng kanyang Facebook account kung saan ibinabahagi niya ang pangungulila at kahilingang makapiling na muli ang pinakamamahal na ama.