Edison Reyes
Sa kabila nito, batid ng mga kapatid ni Rhenzie na hindi pa rin bumibitiw sa masamang bisyo ang panganay nilang kapatid, patunay ang pagiging barumbado pa rin nito at panaka-nakang pananakit pa rin sa kanila at sa kanilang ama kapag nasa impluwensiya na ng alak.
Lumipas pa ang isang taon subalit ang inaasahang pagbabago at pagbabalik sa wastong ugali ni Rhenzie tulad ng paniwala ng kanyang ina ay tila nawalan na ng kabuluhan dahil sa halip na maging matuwid ang isipan, lalo pang nasadlak sa kumunoy ng kasamaan ng ugali ang binata.
Maging ang kanyang kapatid na si Rhona Mae ay nawawalan na rin ng pag-asa na magbabago pa ang ugali ng kanilang kuya dahil kahit ang mga nakababata pa nilang kapatid ay hindi na rin nakakaligtas sa pananakit ng kanilang kuya.
Napuna rin ni Rhona Mae na dumadalas ang pagkaaburido ng kanilang nakakatandang kapatid at kahit walang salita na namumutawi sa labi ng kanilang ama, walang kaabog-abog na sinasaktan ito ng kanilang kuya.
Labis ang pagkahabag ni Rhona Mae sa kanyang pinakamamahal na ama kaya’t upang mapaglubag ang loob ng matanda ay pinagtitiyagaan niya ang pagsasailalim dito sa therapy.
Noong bago maghatinggabi ng Disyembre 31 ng taong 2018, dumating si Rhenzie sa kanilang bahay na may ngiti sa kanyang mga labi at walang palatandaan na nakainom siya ng alak o nakatikim ng iligal na droga.
Napuna rin ni Rhona Mae ang magandang pagtrato ng panganay na kapatid, hindi lamang sa kanila kundi maging sa kanilang ama at napuna rin ng dalaga na sumilay kahit papaano ang ngiti sa labi ng matanda nang mapansin ang pagiging magiliw sa kanya ni Rhenzie.
Bago pa man pumasok ang taong 2019, naging masaya ang magkakapatid pati na ang kanilang ama dahil mistulang nabuong muli ang kanilang pamilya bunga ng ipinakikitang magandang ugali ni Rhenzie, pati na ang pagkamaalalahanin.
Sa katunayan, pinagbilinan pa ni Rhenzie ang mga nakababatang kapatid na mag-ingat sa mga paputok at bago pa man mag-alas-12:00 nang hatinggabi ay pinapasok na niya ang mga ito upang sabay-sabay nilang pagsaluhan ang nakahaing pagkain.
Bagama’t hindi naman magarbo ang media noche ng pamilya, masaya nila itong pinagsaluhan, kasama ang kanilang ama, at dito ay nakakita ng pag-asa sina Rhona Mae at mga kapatid na simula na marahil ng tuluyang pagbabago ng kanilang kuya.
Matapos nilang pagsaluhan ang media noche, mismong si Rhenzie pa ang humiling sa kanyang mga kapatid na pagtulungang iupo ang kanilang amang may sakit para kuhanan sila ng larawan.
Masayang-masaya ang magkakapatid dahil sama-sama nilang sinalubong ang pagpasok ng Bagong Taon, kasama ang kanilang ama, na hindi rin itinago ang naramdamang kasiyahan.
Ang hindi batid ng mga nakababatang kapatid ni Rhenzie, ito na ang huling sandali ng pagpapakita ng kabaitan at pagkamaalalahanin ng kanilang kuya dahil kinabukasan, Enero 1, 2019, muling umuwi ng kanilang bahay ang lalaki na nasa impluwensiya ng alak at batay sa imbestigasyon ng pulisya ay posibleng lango rin sa bawal na gamot.
Maging si Senior Insp. Enrique Torres, ang hepe ng Caloocan Police Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ay naniniwalang hindi lamang sa alak lango si Rhenzie kundi bangag din ito sa iligal na droga nang dumating sa kanilang bahay pasado alas-siyete nang gabi noong Enero 1, 2019.