Sa halip na magpa-awat, nabunton ang galit ni Rhenzie sa ina kaya’t napilitan na rin ang kanyang mga kapatid na umawat sa pagwawala ng kanilang kuya.
Kahit inaawat na ng ina at kapatid, patuloy sa pagmumura at pagwawala si Rhenzie habang hindi naman tumigil ang kanyang ina sa pag-awat sa anak.
Nang madampot ni Rhenzie ang malaking takip ng kaldero na gawa sa bakal, walang patumanggang inihataw niya ito sa ina na tumama sa ulo ng ginang.
Duguang bumagsak si Aling Imelda subalit sa halip na mabigla at tulungan siya ng suwail na anak, tumuloy lamang si Rhenzie sa kanyang maliit na tulugan at nahiga upang matulog.
Napilitan namang isugod ng kanyang mga anak, sa pangunguna ni Rhona Mae, si Aling Imelda sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital matapos sumuka ng dugo ang matanda sanhi ng matinding palo ng takip ng kaldero sa ulo.
Bago dalhin sa pagamutan, nagbanta na si Rhona Mae na isusuplong na sa pulisya ang kapatid subalit mismong ang kanyang inang si Imelda ang pumigil sa anak at sinabing huwag nang magsumbong sa pulisya dahil hindi naman sinasadya ni Rhenzie ang panghahataw sa kanya.
Mahigpit ang naging tagubilin ni Aling Imelda sa mga anak na huwag iparating sa mga awtoridad ang ginawa sa kanya ng panganay na anak sa paniwalang may pagkakataon pa para magbago si Rhenzie at muling bumalik sa wastong pag-uugali.
Sanhi ng matinding pinsala dulot ng pagkabasag ng bungo bunga ng malakas na panghahataw ng bakal na takip ng kaldero ng mismong panganay na anak, binawian din ng buhay si Aling Imelda matapos dalhin sa pinakamalapit na pagamutan.
Sa kabila ng pagkasawi ni Aling Imelda, nanatiling tikom ang bibig ng mga nakababatang kapatid ni Rhenzie bilang paggalang sa huling habilin ng kanilang ina na huwag isuplong sa pulisya ang panganay na kapatid sa pag-asang magbabago pa ng ugali ang lalaki.
Maging sa kanilang amang si Mang Lito ay hindi na rin inungkat ng magkakapatid ang sanhi ng pagkamatay ni Aling Imelda lalo na’t hindi naman nakakatayo o nakakaupo man lamang ang kanilang ama nang mag-isa at kinakailangan pa siyang alalayan para lamang makaupo.
Ang pagkamatay ni Aling Imelda ay lalo pang nagsadlak sa pamilya Magbanua sa kahirapan bagama’t may ilan silang mga kaanak na tumutulong sa kanila kaya’t kahit papaano ay nairaraos nila nang matiwasay ang takbo ng kanilang buhay at naipagpapatuloy pa rin ni Rhona Mae ang kanyang pag-aaral lalo na’t wala namang matrikula sa pinapasukang pamantasan.
Bagama’t hindi naman kinakitaan ng pagsisisi si Rhenzie sa nagawa sa ina, gumagawa naman siya ng paraan bilang pinakapanganay na anak upang makatulong sa pang-araw-araw nilang gastusin.