Pagpasok pa lamang sa loob ng maliit nilang tirahan ay kaagad nang nagwala ang 27-anyos na si Rhenzie sa hindi malamang dahilan at lahat ng kanyang kasama sa bahay ay sinasabihan na buwisit sa kanyang buhay.
Sa sinumpaang salaysay ni Rhona Mae na ibinigay kay SPO1 Junedy Narsico ng SIDMB, isa sa mga imbestigador na humawak sa kaso, lasing umano ang kanyang kuya nang dumating sa kanilang tirahan bago mag-alas-7:30 ng gabi.
Nagising aniya ang kanilang ama na noon ay natutulog na sa sahig ng
kanilang maliit na tirahan bunga ng malakas na pagtulak ng kanyang kuya sa pintuan ng kanilang bahay.
Nagulat na lamang aniya silang magkakapatid nang sunod-sunod na tadyakan ng kanilang kuya ang kanilang ama sa likurang bahagi ng matanda at sinabihan na gabi pa lamang kamakalawa ay gusto na niyang patayin ang ama.
Inihayag ni Rhona Mae sa kanyang salaysay na matapos pagsabihan ng kanyang kuya ang kanilang ama ng katagang “Put— -na mo, kagabi pa kita gustong patayin,” sunod-sunod na suntok sa mukha at ulo ang pinawalan nito.
Hindi pa aniya nasiyahan ang kanilang kuya, kinuha nito ang bakal mula sa mesang kanilang ginagamit at sa labis nilang pagkabigla ay sunod-sunod ang ginawang paghataw ng tubo sa ulo at katawan ng kanilang ama.
Ayon pa kay Rhona Mae, sinubukan nilang awatin ang kanilang kuya sa ginagawang panghahataw ng tubo sa ama subalit sila naman ang pinagbalingan at hinampas din ng hawak na tubo.
Sinabi ni Rhona Mae na tumigil lamang sa panghahataw sa kanilang ama ang kanilang kuya nang hindi na kumikilos ang duguang matanda.
Pagkatapos isagawa ang walang humpay na panghahataw ng tubo sa ulo at katawan ng ama, parang walang nangyari na pumasok sa kanyang silid ang kanilang kuya at nahiga para matulog.
Ayon kay Rhona Mae, pinagtulungan nila ng nakababata niyang kapatid na si Mhelmor na buhatin ang duguang katawan ng ama para maisakay sa tricycle at maisugod sa pinakamalapit na pagamutan.
Kaagad namang inasikaso ng mga manggagamot sa Tala Hospital ang duguang katawan ni Mang Lito subalit huli na ang lahat dahil wala nang buhay ang matanda nang idating siya sa naturang pagamutan.
Hindi kaagad makapaniwala si Rhona Mae na wala na ang kanyang pinakamamahal na ama at ang pinakamasakit pa ay nasawi ito sa kamay mismo ng kanyang nakatatandang kapatid.
Habang isinusugod nina Rhona Mae at Mhelmor ang kanilang ama sa pagamutan, nagpasya naman ang isa pa nilang kapatid na si Rhea na magtungo sa kanilang barangay hall upang humingi ng tulong.
Kasalukuyan naman na naka-duty na noon sina Charlie Niebes at Juan Balmaceda, Jr., kapwa barangay tanod ng Barangay 178, Camarin kaya’t sila ang nag-asikaso sa sumbong ni Rhea Magbanua kaugnay sa ginawang pamamalo ng tubo ng kanyang kuya sa kanilang ama.
Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang dalawang opisyal ng barangay at kaagad na sinamahan si Rhea sa kanilang tirahan upang alamin ang katotohanan sa naturang sumbong.
Pagsapit ng dalawa sa tirahan ng pamilya Magbanua, dinatnan nila na magulong-magulo ang loob ng bahay, nagkalat ang gamit at may bahid ng dugo sa sahig na palatandaang may nangyaring krimen sa loob.
Batay pa sa pinagsamang sinumpaang salaysay nina Niebes at Balmaceda kaugnay sa ginawa nilang pag-aresto kay Rhenzie, sinabi aniya sa kanila ni Rhea na matapos pagpapaluin ng tubo ng kanilang kapatid ang kanilang ama ay tila parang walang nangyari na pumasok na ito sa kanyang silid at natulog.
Nang pumasok sa silid na itinuro ni Rhea ang dalawang tanod, nakita nila si Rhenzie na nakahiga pa sa kutson ng isang kama habang isa ring tubo na may bahid ng dugo na ayon kay Rhea ay ginamit ng kanyang kapatid na panghataw sa ama ay nakita rin nila sa loob ng silid.
Dahil dito, kaagad nilang pinosasan si Rhenzie at sinabihan ng kanyang mga karapatan bilang isang akusado sa ilalim ng Miranda Doctrine. Kinuha rin nina Niebes at Balmaceda ang tubong ginamit ni Rhenzie sa pagpaslang sa sariling ama at minarkahan bilang ebidensiya sa krimen.
Nang dalhin ng mga barangay tanod sa Caloocan Police North Extension Office (NEO) si Rhenzie, kaagad na sumunod ang kanyang mga kapatid sa pangunguna ni Rhona Mae upang tiyaking makukulong at pagbabayaran ng kanilang panganay na kapatid ang ginawang pagpatay sa kanilang sariling ama.
Nakaposas at mistulang wala pa sa sariling katinuan si Rhenzie nang datnan ng mga kapatid sa himpilan ng pulisya kaya’t sa labis na galit, sinumbatan nila ang kanilang kuya at tinangkang saktan.
Maging ang nakababatang kapatid na lalaki ni Rhenzie ay hindi nakapagtimpi at sinugod at inupakan ang kanyang kuya bagama’t mabilis na nakapamagitan sa kanila ang mga pulis at barangay tanod na nasa himpilan din ng pulisya.
Bago pa man makuhanan ng pahayag ng pulisya ni Rhona Mae bilang tatayong testigo sa ginawang pagpatay ni Rhenzie sa kanilang ama, ibinulalas na niya ang ginawa ring pagpatay ng kanyang kuya sa kanilang inang si Imelda.
Sa narinig na rebelasyon ni Rhona Mae hinggil sa pagkamatay din ng ina sa kamay ng kanyang kuya, nagpasya sina SPO1 Junedy Narciso at PO3 Jenny Ryan Rodriguez, kapwa imbestigador ng Station Investigation Unit (SIU) ng NEO, na kuhanan na siya ng sinumpaang salaysay upang maisailalim kaagad sa inquest proceedings si Rhenzie.
Enero 2, 2019 nang dalhin ng mga awtoridad sa tanggapan ni Assistant City Prosecutor Gil Rose Gurcino-Inuvejas ang usapin at dahil malakas ang iprinisintang ebidensiya at testigo ng mga pulis, inutos kaagad ng tagausig ang pagsasampa ng kasong parricide laban kay Rhenzie at wala ring piyansang inirekomenda para sa kanyang paglaya.
Nang hawakan naman ni Assistant City Prosecutor Miehelle Guiab ang usapin, kaagad niyang inirekomenda na isampa na sa korte ang kaso lalu na’t walang maiprisintang depensa si Rhenzie kundi ang pagtanggi niya na siya ang pumatay sa ama at nakapatay din sa kanyang ina.
Sa ginawang pagpapaunlak ni Rhenzie sa mga mamamahayag para siya kapanayamin, mariin pa rin niyang itinanggi ang bintang at sinabing hindi magagawa ng isang anak na tulad niya na patayin ang kanyang mga magulang lalu na’t pinalaki aniya sila nang wasto at kapiling ang mga ito hanggang sa huling sandali.
Gayunman, wala siyang mabanggit na kadahilanan kung paano nasawi ang kanyang ina at ama at tanging pagtanggi lamang sa krimen ang kanyang iginigiit.
Nang maisampa sa korte ang usapin, nai-raffle ang kaso sa sala ni Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Judge Rosalia Hipolito-Bunagan ng Branch 232 at batay sa impormasyong ibinahagi ng kanyang mga staff sa TUGIS, nakatakda nang magprisinta ng kanilang testigo at ebidensiya ang tagausig sa Marso 19.
Ito’y makaraang mabasahan na ng demanda si Rhenzie na tulad ng dapat asahan ay naghain ng “not guilty plea” hanggang isagawa ang unang pagdinig sa kaso noong Marso 6.
Tumatayo namang testigo ng tagausig ang mismong kapatid ni Rhenzie na si Rhona Mae habang humarap din bilang kinatawan ng mamamayan ng bansa sa paghahain ng kasong kriminal sina Charlie Niebes at Juan Balmaceda, Jr., mga barangay tanod ng Barangay 178 na silang umaresto sa akusado.
***
Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang ‘yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo: walang krimen na hindi pinagbabayaran.