MAY kasabihan ang bawat pamilyang Pilipino na ang anak daw, kayang tiisin ang magulang, ngunit ang magulang ay hindi kailanman kayang tiisin ang ­kanyang anak.

Bagama’t hindi sa ­lahat ng pagkakataon ay tumutugma ang ganitong kasabihan sa bawat pamilyang Pilipino, lalu na kung ang mismong mga magulang ang na­giging pabaya at iresponsable sa kanilang mga anak, mas nakakarami naman ang mga magulang na tunay na mapagtiis, mabigyan lamang ng magandang ­buhay ang mga anak.

Hindi nasusukat sa estado ng kalagayan ng buhay ng bawat pamilya ang pagpapamalas ng tunay na pagmamahal at pag-aaruga sa kanilang anak dahil mas marami pa nga ang nakaka-­angat o nakakariwasa sa buhay ang nawawalan ng oras at panahon upang personal na subaybayan ang wastong pagpapalaki sa kanilang mga anak.

Ang mga magulang naman na kabilang sa hanay ng maralitang pamilya ay nakakalimot ­lamang sa tamang pag-aaruga at pagkakaloob ng pagmamahal sa kanilang mga anak dahil sa labis na paghihikahos sa buhay.

Nagkukulang din ang kanilang oras at panahon upang magabayan nang wasto sa kanilang paglaki ang mga anak dahil nauubos din ang kanilang oras sa paghahanap ng mapagkaka­kitaan upang hindi magutom ang kanilang pamilya.

Karaniwan nang magkatuwang sa paghahanap ng mapagkakakitaan ang ama at ina sa isang maralitang pamilya lalu na kung lumaki na ang bilang ng kanilang mga anak sa pagnanais na rin na kahit papaano’y makapag-aral pa ang mga ito at makaahon sa kahirapan sa kanilang paglaki.

Sa kabila ng paghihikahos, marami pa ring pamilyang Pilipino ang nabubuhay nang tahimik at marangal sa pamamagitan na rin ng wastong paggabay at patnubay ng kanilang mga magulang kaya’t kahit salat sa buhay ay napapanatili nilang masaya at nagmamahalan ang kanilang pamilya.

Gayunman, may mga pagkakataon na kahit ano pa ang ipamalas na tamang pag-aaruga ng mga magulang sa kanilang mga anak, hindi maiiwasan na may naliligaw pa rin ng landas isa man sa kanila dahil na rin sa posibleng masamang impluwensiya ng ilang taong nakapaligid sa kanya na inakala niyang mga tunay na kaibigan.

Sa kaso ng isang pamilya sa Caloocan City na bagama’t salat sa kariwasaan sa buhay, napa­panatili ng kanilang mga magulang ang wastong pag-aaruga at pagmamahal sa walo nilang ­naging supling dahil mula’t sapul ay ipinamalas nila ang tunay na pagmamahal sa kanilang mga anak.

Bago nanirahan sa lungsod ng Caloocan, sa isang paupahang bahay sa Malabon City naninirahan ang mag-asawang Lito at Imelda Magbanua at dito nila sinimulang hubugin sa wastong pag-uugali ang kanilang mga anak.

Sa kabila ng kawalan ng maayos na pagkakakitaan, magkatuwang na pinagsikapan ng mag-asawa na maitaguyod nang maayos ang kanilang pamilya at pinagsikapang mapag-aral ang kanilang mga anak.